Napanaginipan ang tatay na matagal ng patay
- BULGAR
- Feb 19, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Chiles ng Chiles_Chavez@face book. com
Dear Professor,
Gusto kong itanong kung ano ang nais ipahiwatig ng panaginip ko?
Matagal ng patay ang tatay ko at sa aking panaginip ay nasa Simbahan daw kami ng Baclaran at nandu’n ‘yung ataul niya at minimisahan dahil ililibing na siya.
Ano ang ibig sabihin nito?
Salamat!
Naghihintay,
Chiles
Sa iyo Chiles,
Alam mo, iha, hindi lang ang mga buhay ang naghihirap dahil sa panaginip, makikitang ang mga patay o kaluluwa ng patay ay naghihirap din. Ito ang natatagong katotohanan sa iyong panaginip.
Pero, ‘di ba, sa patay ang sinasabi natin ay “Rest in Peace”, kaya inaasahan na nasa payapa na sila, kumbaga, dahil nasa langit sila, masaya na sila na kapiling ang Dakilang Manlilikha?
Kaya lang, iha, sa Sagradong Aklat ay may nakasulat na nagsasabing, “may isang kaluluwa na nakikiusap kay Amang Abraham na siya ay makabalik sa lupa dahil ang gusto niya ay makausap ang kanyang mga mahal sa buhay.”
Kinukulit niya si Abraham dahil hindi siya matahimik. Kaya ang mga napananaginipan ay base mismo sa mga nangyayari sa kasalukuyan kung saan naroroon ang mga kaluluwa ng namatay. Pero, bakit kaya ganu’n na lang ang pangungulit niya? Bakit hindi siya matahimik?
Ayon sa mismong nakasulat, ang gusto ng kaluluwa niya ay sabihin sa mga mahal niya sa buhay na mabuhay sila sa kabaitan, kabanalan at tamang landas. ‘Yun nga lang, hindi pumayag si Abraham at sinabi niya, “nasa lupa ang kautusan”! Ibig sabihin, dapat sundin ng tao ang mga batas ng Diyos.
Ito rin ang mensahe ng iyong panaginip, kumbaga, gusto ng tatay mo na maging mabuti kayo, lumayo sa masama at huwag magkasala dahil kahit na nasa kabilang buhay na siya ay mahal na mahal niya kayo.
Kaya ang pahabol na mensahe ng panaginip mo ay ang magsikap kayo nang sa gayun ay gumanda ang buhay ninyo dahil hindi matatahimik ang tatay ninyo kapag may nakikita siyang mahal sa buhay na naliligaw ng landas.
Matutupad lang ang salitang “Rest in Peace” sa kaluluwa ng iyong tatay kung magiging maayos ang inyong buhay.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments