Bloke-blokeng cocaine na nabingwit sa Dinagat, talupan!


'FLOATING cocaine’ na naman! Tila ginagawa nang tapunan ng iligal na droga ang Dinagat at Siargao Islands.
Sino kaya ang mga sindikatong nasa likod nito?
Nasa 77 bloke ng cocaine na nagkakahalagang P500 milyon ang nabingwit sa Dinagat Island at inanod sa dalampasigan ng Siargao Island.
Sa halos magkakasunod na insidente, may punto ang House Dangerous Drugs Committee na magsagawa ang PNP at PDEA ng mas malalim na imbestigasyon tungkol dito.
Nakaaalarmang bigla na lang may mga palutang-lutang na bloke-blokeng droga na hindi malaman kung sinong foreign o local syndicate ang pinagmulan.
Tiyempo na kasagsagan ng kampanya para sa halalan, hindi imposibleng may kinalaman na naman ang mga narco-politician.
Kaya tama lang ang panawagan sa mga awtoridad na tutukan ang kaso at huwag matakot na banggain kung sinuman ang mga nasa likod nito.
Tukuyin ang mga nagpaanod ng cocaine sa dagat at alamin ang recipient ng mga kargamento.
Literal na ang pagpapakalat ng droga kaya hindi maubus-ubos ang mga lulong at talamak ang pag-ikot ng pera mula rito.
Pagkakataon na rin ito na mapatunayan na nagtatagumpay ang war on drugs.
May mga ulat na nagsasabing nabawasan ang mga adik at dahil daw ito sa giyera kontra droga, ang tanong, nabawasan din ba ang mga drug lord?





Comments