Titser niratrat ng nakamotor, utas

PATAY ang isang guro makaraang pagbabarilin sa bahagi ng Bgy. Bulit, Datu Montawal, Maguindanao.
Ayon kay Senior Supt. Ronald Briones, kinilala ang biktima na si Emmanuel Gonzales, 25, walang asawa, head teacher sa Pikit National High School at residente ng Bgy. Poblacion sa Pikit, North Cotabato.
Batay sa imbestigasyon, lulan ng kanyang motorsiklo na bumibiyahe mula sa Kabacan, North Cotabato patungo ng sentro sa Pikit nang sabayan ng riding-in-tandem at puntiryahin gamit ang kalibre .45 baril.
Duguang sumemplang ang guro na agad naisugod sa Kabacan Polymedic Hospital ngunit, makalipas ang ilang oras ay nasawi sanhi ng tatlong tama ng bala ng baril sa kanyang likod.
Agad namang tumakas ang mga suspek na ngayon ay patuloy nang tinutugis ng mga awtoridad habang inaalam din ang motibo at nasa likod ng krimen.
Naniniwala ang pulisya na posibleng personal na galit ang dahilan ng pagpatay kay Gonzales dahil hindi tinangay ang motorsiklo nito.





Comments