top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Paalala na ang dapat maging karelasyon ay simple at hindi mayaman, pero nagsusumikap sa buhay

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 18, 2019
2 min read

Salaminin natin ang panaginip ni Ghie ng Ghie_Lanorio@facebook.com

Dear Professor,

Sa panaginip ko, nasa gilid daw kami ng kalsada, tapos, may mga dumating na ati-atihan. Pagkatapat nila sa amin ay may mga inihagis silang candy at mga barya, hindi ako namulot, pero nakakuha ako ng isanlibo at limandaan, subalit, nu’ng tiningnan ko ito ay peke naman pala.

Tapos nu’ng maglakad ako, nakakita ako ng piso at pinulot ko raw ito, naiwan pa nga ako ng mga kasama ko kaya sumunod na lang ako sa kanila, gayundin, nasaraduhan ako ng gate ng bahay kaya umakyat na lang ako para makapasok at ‘yung inakyat kong bahay ay sisimulan pa lang buuin.

Naghihintay,

Ghie

Sa iyo Ghie,

Sa buhay ng tao, sa pakikipagsapalaran niya sa ibabaw ng mundo lalo na sa larangan ng pag-ibig, marami siyang nakikilalang nagtuturo sa kanya ng mga aral at ang mga ito ay magagamit niya sa kanyang pakikipagsapalaran hanggang sa marating niya ang magandang buhay na kanyang hinahangad.

Ayon sa panaginip, sa paghahanap mo ng tamang tao na mamahalin at magbibigay sa iyo ng magandang kinabukasan, makae-encounter ka ng taong galante, kumbaga, matutulad ka sa maraming Pinay na nakapangasawa ng mga foreigner na mapagbigay kahit hindi naman humihingi ng pera ang mga babaeng kanilang minamahal. Kaya lang, sa huli, ang mga Pinay na nakaranas ng ganito ay nagugulat at hindi makapaniwala na ang foreigner na nagustuhan nila ay bigla na lang naglahong parang bula.

Maaaring hindi ka maniwala, pero ito ay pangkaraniwan ng nangyayari dahil una, hindi naman talaga seryoso ang dayuhan at siya ay nakatagpo na ng bagong babaeng magpapasaya sa kanya.

Gayunman, ipinapayo ng panaginip mo na ang piliin mo ay simpleng tao lang, ‘yung hindi mayaman o mapera, pero nagsisikap sa buhay. Ang masuwerteng balita mula sa iyong panaginip ay nagsasabing hindi ka mahihirapang hanapin siya dahil sa mga susunod na araw ay darating na siya sa iyong kapalaran. Muli, ang dapat mong maging karelasyon ay simpleng tao, hindi mayaman, pero nagsisikap sa buhay.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page