NU AT ATENEO, ABANGERS SA BEST OF 3 FINAL SERIES NG UAAP JUNIORS


MAGSISIMULA na ang muling tapatan sa kampeonato ng UAAP Season 81 juniors basketball tournament sa pagitan ng National University at Ateneo de Manila ngayong hapon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Ganap na alas-3:00 ngayong hapon ang Game One ng best-of-3 finals series ng dalawang koponan.
Umusad sa ikawalong sunod na taon sa Finals, pagsisikapan ng Bullpups na maibalik ang koronang huli nilang nahawakan noong Season 78. Mangunguna para sa naturang misyon ng NU sina Terrence Fortea, Gerry Abadiano, Cyril Gonzales, Carl Tamayo at Kevin Quiambao. “We do our best every day. Regardless kung ano mangyayari, we give our best lang,” pahayag ni NU coach Goldwin Monteverde.
Sasandig namang muli ang defending champion Ateneo na bigong manalo sa NU noong eliminations sa liderato ng kanilang higanteng sentro na si Kai Sotto.
“Kailangan naming paghandaan talaga nang mabuti ‘yung NU kasi di sila magiging 13-1 nang patsamba-tsamba lang,” ayon sa 7-foot-1 na si Sotto. “Kailangan din naming maging ready kasi alam naming ibibigay talaga ng NU ‘yung lahat.” Maliban kay Sotto, aasahan din ni coach Reggie Varilla sina ace guard Forthsky Padrigao at isa pang sentro na si Geo Chiu. (VA)





Comments