Pensiyunado, puwedeng mangutang sa SSS
- BULGAR

- Feb 17, 2019
- 2 min read
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay 70 years old at kasalukuyang tumatanggap ng pensiyon mula sa SSS nang halos 10 taon na. Mayroon akong dagliang pangangailangang medikal kaya naghahanap ako ng mauutangan. May mga nag-aalok sa akin ng pautang ngunit, napakataas ng interest. Nais kong malaman kung mayroon bang loan ang SSS para sa mga pensiyunado? —Manuel Eduardo
Sagot
Mabuting araw, Lolo Manuel! Mayroong iniaalok na pautang ang SSS para sa mga pensiyunado. Ang Pension Loan Program (PLP) nito ay sagot sa hinaing ng mga pensiyunado nito na matigil ang lumalaking bilang ng mga pensiyunado na nagiging biktima ng loan sharks na lubhang napakataas na interest at upang matulungan sila sa kanilang mga dagliang pangangailangan tulad ng gastos sa biglaang pagkakasakit.
Maaaring mag-apply sa SSS Pension Loan ang mga retiradong pensiyunado na hindi hihigit sa 80 ang edad sa pagtatapos ng termino ng pagbabayad ng utang. Dapat ay walang ibang utang at benefit overpayment sa SSS. Dapat din ay walang paunang pensiyon sa ilalim ng SSS Calamity Package. Kailangang regular na silang tumatanggap ng buwanang pensiyon na hindi bababa sa anim na buwan.
Makauutang ang retiree-pensioner ng SSS nang hindi bababa sa halaga na katumbas ng dalawang buwan hanggang anim na buwang pensiyon niya kasama ang dagdag-benepisyo na P1,000 ngunit, hindi hihigit sa P32,000.
May interest ito na 10% kada taon hanggang sa ito ay ganap nang mabayaran. Maaaring bayaran ang PLP sa loob ng tatlo, anim o 12 buwan depende sa halaga ng inutang at ito ay ibabawas sa buwanang pensiyon ng pensiyunado. Ang kagandahan sa PLP, hindi na sisingilin ang service fee na karaniwang bahagi ng loan application sa SSS.
Kinakailangang bayaran ang unang bayad sa utang sa ikalawang buwan matapos maaprubahan ang PLP. Halimbawa, kung ang utang ay naaprubahan ng Enero, ikakaltas ang unang bayad sa PLP sa buwan ng Marso.
Kailangang personal na mag-apply sa PLP sa kahit anong sangay ng SSS ang retiradong pensiyunado dala ang kanyang SSS Unified Multi-Purpose Identification Card o dalawang valid identification cards na parehong may pirma at isang may litrato. Pagkatapos isumite ang identification requirements, titingnan ng SSS kung kuwalipikado siyang mag-apply sa PLP.
Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.
◘◘◘
Ang Loan Restructuring Program ay bukas hanggang ika-1 ng Abril 2019. Sa LRP, pinagaan ang pagbabayad ng mga utang sa SSS. Inaanyayahan ang lahat ng mga miyembro na nais mag-avail ng loan condonation na ito na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments