Pananampalataya at politika, magkahiwalay na mundo pero, iisa ang ipinaglalaban – karaniwang mamamay

NOONG nakaraang Huwebes, muli tayong nagbalik sa matanda nang mundo ng Quiapo, Simbahan ng Itim na Poong Jesus Nazareno at ng Plaza Miranda.
Nadaanan natin ang mahabang linya ng mga nagtitinda ng sari-saring motorcycle carrier at helmet sa harapan ng mga kainan at mga electronic shop sa Raon.
Pumasok tayo sa malaking simbahan na puno ng nagsisimba taglay ang iba’t ibang panalangin at kahilingan sa Diyos. Dumaan tayo sa masikip na eskinita sa gitna ng mga nagtitinda ng kung anu-ano kasama na ang sari-saring halamang pamparegla.
Dumalaw tayo sa mga pari sa kumbento ngunit, wala sila roon dahil sa misa para sa yumaong kapatid ng dating Rector ng Minor Basilica na si Msgr. Clem Ignacio.
Maya-maya bumaba na tayo upang tingnan kung ano ang nangyayari sa entabladong nakatayo sa Plaza Miranda. Meron nang tumetesting ng sound system at nakasindi na ang mga spotlight na nakatutok sa entablado. Nagsisipaglaruan ang mga batang paslit sa entablado, samantalang, nakatayo sa harapan ang mga manggagawang sumusuporta sa limang kandidatong sinusuportahan ng iba’t ibang unyon ng manggagawa. Nakausap natin ang ilang mga kaibigang taga-media na naghihintay na makarating ang martsa ng mga manggagawa na nagmula ng Liwasang Bonifacio.
Kakaibang mundo ang naroroon sa Plaza Miranda. Roon lang sa hindi kalayuan naroroon ang mga debotong nagdarasal sa loob ng Simbahan ng Nazareno. Personal ang karamihan ng mga kahilingang inihaharap sa Panginoon. Tahimik at taimtim na itinataas sa Diyos ang lahat. Ngunit, ilang hakbang lang ang layo sa kabilang dako nagtitipon ang ilang kandidato at ang kanilang mga supporter upang ipahayag sa publiko ang kanilang hangaring tumakbo at lumahok sa labang politikal para makapasok sa Senado. Personal na panalangin sa loob kasabay ang politikal na kampanya at laban sa labas, hindi ba’t, binubuo ng dalawa ang buhay ng bawat nilalang? Ngunit, ito ang problema sa namuong paghihiwalay ng dalawang mahalagang aspeto ng buhay: Ang personal at politikal, ang loob at labas.
Bagama’t, Miyerkules lang natin natanggap ang paanyaya na magdasal kasama ng mga manggagawa para sa kanilang limang kandidato para sa Senado sa Plaza Miranda, hindi naging mahirap na paunlakan natin ang paanyaya. Napakahalagang muling bumaba at makilahok sa pakikibaka ng uring manggagawa. Napakahalaga nito sa gitna ng namumuong puwersa ng mga trapo at ng kanilang elitistang politika. Sino ba ang nagpapatakbo sa ating bansa? Ang mga pulitiko ba? Ang malalaking korporasyon ba at ang mga mayayaman at makapangyarihang indibidwal kasama ng kanilang angkan? Tila hindi ganu’n kalinaw ang sagot. Hindi ganu’n kalinaw na iisa naman talaga ang malalaking korporasyon at ang mga trapong kakutsaba ng mga ito na nagdidikta sa direksiyon at pamamalakad ng ating bansa.
Kaya mahalagang bumaba at muling makipag-ugnayan sa mga manggagawa at muling pakinggan ang kanilang mga hinaing at pangarap para sa kanilang sektor at sa Inang Bayan. Dumating noong gabing iyon ang mga sumusunod na kandidato: Ernesto Arellano, Neri Colmenares, Leody de Guzman, Sonny Matula at Allan Montano. Kanilang tinawag ang kanilang pagsasama ng Labor Win sa Senado 2019.
Nagsimula ang paglulunsad ng Labor Win sa isang boodle fight sa ibaba ng entablado sa Plaza Miranda. Nagkamay ang mga kandidato kasama ng ilan pang mga labor leader. Nang matapos ito, inawit na ang Lupang Hinirang. Sumunod na rito ang panalanging pinangunahan natin.
Ating binalikan ang buhay ng ating Panginoon. Si Kristo ay anak ng isang manggagawa, si Jose na isang karpintero. Wala silang pera, estado at kapangyarihan sa lipunan. Sila’y bahagi ng mga masang nasa ibaba ng lipunan. Dahil dito, bitbit ni Kristo ang kondisyon ng buhay ng mga karaniwang mamamayan ng Hudea. Ito ang diwa ng pakikilahok sa politika ng limang Labor Win. Hindi nila taglay ang eletistang agenda at interes ng mga trapo kundi ng mga karaniwang mamamayan.
Sa pagkatao ni Kristo, walang paghihiwalay ang dalawang mundo ng personal at politika, ng loob at labas. Hindi man siya kandidato sa pagka-senador, ang kanyang pananalita at pagkatao ay namamahayag at ipinaglalaban ang pangarap at interes ng mga maliliit at karaniwang manggagawa.
Bago natapos ang gabi, bumalik na tayo sa parokya upang abutan pa ang huling bahagi ng pulong ng Parish Pastoral Council. At naibahagi natin dito ang dalawang karanasan, sa Plaza Miranda at sa parokya, na tila magkahiwalay ngunit, sa totoo lang ay hindi.





Comments