top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

JOOLA TEAM NI MISAL, ITINAOB ANG UST-B SA FLEXIBLE CUP

MC/Clyde Mariano
Feb 17, 2019
2 min read

GINAPI ng Team Joola, sa pangunguna ni dating UAAP star John Russell Misal, ang University of Santo Tomas Team B, 3-0, sa Men’s Open team event nitong Biyernes sa pagsisimula ng 9th Flexible Cup International Table Tennis Championships sa Harrison Plaza Activity Center sa Malate, Manila.

Kipkip ang karanasan sa matikas na kampanya sa World Championship of PingPong sa London kung saan umabot siya sa Round-of-16, pinataob ni Misal si Nico Nayre, 11-7, 11-9, 11-9 sa first match habang ginapi ni Chen Lei Xin si Reymart Mabuang, 11-2, 11-4, 11-5 sa second match. Kinumpleto ni Alexis Bolante ang sweep ng Team Joola sa 11-6, 11-4, 11-6 panalo kay Carl Victorio, “Matagal na kaming naglalaro ni Nico, patas lang kami, medyo napaganda lang ang gising ko,” pahayag ni Misal, UAAP Rookie of the Year (2013) at Most Valuable Player (2017) nang gabayan ang National University.

“Maraming magagaling, pero pipilitin kong makuha ang gold medal at mag-champion dito,” sambit ni Misal, nakalinya ring lumaro sa men’s single Open event.

Napukaw ni Misal ang atensyon ng international table tennis community nang gapiin ng pambato ng Toril, Davao City, ang pamosong local player na si Ashley Stokes para makausad sa Round-of-16 sa prestihiyosong World Championship of Pingpong na ginanap nitong Enero 26-30 sa London. Bahagi siya ng Philippine delegation sa Sports Exchange program ng Table Tennis Association for National Development (TATAND) sa Beijing at nagsanay sa Shengdeng, China sa nakalipas na taon.

Bukod sa Team Joola at UST-2, kasama nila sa Group C ang Malaysia at Fleet Marine. Indonesia, Philippine Army, Baker Studio and Trudel-UST ay nasa Group A, habang ang University of Taipei, Green Paddle, UST-1 at Omila Sports Academy ay nasa Group B at magkakasama sa Group D ang Chinese Taipei, Hua Ching, Crime Lab-Altruists at Jade Dragon. Ang mangungunang dalawang koponan sa bawat grupo ay uusad sa second stage ng torneo na may nakalaang P50,000 para sa overall team champion at P10,000 sa men’s and women’s singles champions.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page