Malinaw ayon sa birthday… BINATANG NAKATAKDANG MASIRA ANG BUHAY KUNG MAG-AASAWA KAAGAD

Dear Maestro,
Nag-aaral ako ngayon, pero may girlfriend ako at niyayaya na niya akong magpakasal na kami dahil madalas nang may nangyayari sa amin. Nais kong itanong kung tama ba ngayong panahon para mag-asawa ako at kung mag-aasawa na ako, aasenso kaya ang buhay ko at ng aking magiging pamilya? September 18, 1999 ang birthday ko.
Umaasa,
Ram ng San Gabriel, Santa Maria, Bulacan
Dear Ram,
Alam mo noong nag-asawa ako, hindi ko itinanong kina Inang Talia at Tatang Sucing ko kung dapat na ba akong mag-asawa? Hindi ko rin ito tinanong sa mga kamag-anak ko o sa kaibigan ko at maging sa mga kapitbahay namin, sa halip, nagpasya akong mag-isa.
Noong panahong ‘yun, madalas nakararamdam ako ng kalungkutan at pag-iisa, lalo na pagsapit ng gabi at wala akong makausap. Ang masaklap, kahit palagi akong may nakakasama, ‘yung alaga kong pusa na si Mingming ay hindi naman nagsasalita.
Ibig sabihin, sa tanong mo na: “Dapat na ba akong mag-asawa?”, hindi si Maestro Honorio Ong ang dapat mong tanungin ng ganyang tanong, bagkus, ang dapat mong tanungin ay ang sarili mo.
Dahil personal na bagay sa buhay ng lalaki ang pag-aasawa, kaya hindi ito dapat ibinabase sa desisyon ng iba. Sa halip, mamayang gabi, bago ka matulog, humarap ka sa salamin, pagkatapos ay tanungin mo ang iyong sarili, “dapat na ba akong mag-asawa?”
Kung anuman ang tugon ng iyong kalooban, ‘yun ang sundin mo. Sa ganyang paraan, dahil ikaw mismo ang nagdesisyon ay siguradong higit kang mas magiging maligaya. Ganu’n, ‘yun!
Pero, malamang mamayang gabi kapag tinanong mo na ang iyong sarili sa harap ng salamin kung dapat ka na bang mag-asawa, sigurado na “hindi” ang isasagot mo.
Alam mo kung bakit? Ito ay dahil 19 years old ka pa lang, tunay ngang hindi ka pa puwedeng mag-asawa dahil marami ka pang dapat gawin sa buhay, lalo na at nagbibinata ka pa lang.
Base sa nakasulat sa aklat ng Ecclesiastes na tinatawag ding aklat ng Mangangaral sa Bibliya na isinulat ni Haring Solomon, may takdang panahon sa lahat ng bagay sa silong ng langit, “For everything there is a season, and a time for every purpose under the heavens” (Ecclesiastes 3:1-1).
Kapag nagkamali ka ng “timing” sa bawat panukala na iyong gagawin, malamang na mabigo ka lamang, ngunit, kung tama ka ng pag-e-execute o pagpapatupad ng mahalagang aktibidad sa iyong buhay, sa tamang pagkakataon at panahon, mas malaki ang tsansa na magtagumpay ka at mas magiging mabunga ang anumang gawaing gagawin mo sa tama at saktong panahon.
Halimbawa, kung mag-aani ka ng palay, huwag mong itatapat sa panahon ng tag-ulan dahil mababasa lamang ang palay at mabubulok.
Gayundin, sa pag-aasawa at pagtatayo ng pamilya. Kung ang panahong ito sa buhay mo ay para mag-aral at mag-establish ka ng career, bakit ka mag-aasawa?
Kapag ginawa mo ‘yan, magkakamali ka kaagad dahil ginawa mo ang bagay na hindi naman naaayon sa kanyang saktong kapanahunan.
Tandaan mong kapag ginawa mo ang bagay na saktung-sakto sa kanyang nakatakdang kapanahunan, tiyak na nasa 98% na ikaw ay magtatagumpay at magiging maligaya.
Samantala, sa pagtatayo ng pamilya, bago mo ito gawin, lalo na kung ikaw ay lalaki na magiging head of the family, balang-araw, dapat ay may stable job ka na, matured na ang isip at damdamin mo at pagkatapos ay nasa suwerteng taon at mapalad na buwan mo sisimulan ang pagtatayo ng sariling pamilya.
Sa ganu’ng paraan lamang, “proper timing”, siguradong magtatagumpay at habambuhay ka ng magiging maligaya.
Habang, ayon sa iyong Love Calendar, Ram, ang tamang panahon ng pag-aasawa para sa iyo ay sa taong 2027 pa, sa panahong tinuran sa edad mong 28 pataas, tiyak ang magaganap, ang nasabing pag-aasawa ay siguradong mamumunga nang maunlad at maligayang pagpapamilya, habambuhay.




Comments