Kulay puti at pink na ahas
- BULGAR

- Feb 16, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Rolly ng Rolly_Villaruz@face-book.com
Dear Professor,
Nanaginip ako na pag-uwi ng asawa ko sa bahay namin ay nakakita siya ng maraming ahas na kulay puti sa aming pintuan at bintana.
Mga ilang araw, totoong nagkaroon ng ahas sa bahay namin, pero maliliit pa sila at pinatay ito ng mga kapitbahay namin at nang maubos sila ay nanaginip ulit ang asawa ko ng ahas na kulay pink at mga ilang araw ay may lumabas na ahas na kulay pink sa likod ng bahay namin at napatay din ito ng aming mga kapitbahay.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Rolly
Sa iyo Rolly,
Ayon sa kuwento mo, tuwing mananaginip ang asawa mo ng ahas ay nagkakatotoo ito.
Bihira lang sa panahon ngayon ang makakita ng puti at pink na ahas, pero, ano ang katotohanan sa likod ng inyong naging karanasan?
Ang asawa mo, mahirap nga lang paniwalaan ay masasabing “diyosa ng mga ahas” dahil ang mga ahas ay may dala-dalang suwerte, ngunit, mas mahirap paniwalaan na ang asawa mo ay may kakambal na ahas noong siya ay isinilang.
Pinaniniwalaang ang mga taong may kakambal na ahas ay may kapangyarihan na manggamot at sila ay tinatawag na “tawak”.
Samantala, bihira lang din sa tao ang magkaroon ng kakambal na ahas dahil hindi ito pangkaraniwan. Ibig sabihin, ang asawa mo ay may special powers na nagsasabing kaya niyang bigyan ng suwerte ang mga taong minamalas.
Samantala, ang tanong, ito kaya ay magkakatotoo? Subukan mo dahil wala namang mawawala sa inyo kung susubukan ninyo ito.
Sa mga panahong akala ninyo ay minamalas kayo, ang asawa mo ay mananaginip na tumama kayo sa lotto. Ano ang gagawin mo? Eh, di tumaya kayo sa lotto. Madali lang, ‘di ba?
Baka itanong mo kung ano ang mga numerong tatayaan ninyo? Ang sagot ay ganito, kapag ang tao ay susuwertehin, hindi na importante kung anong mga numero ang dapat niyang tayaan.
Ito ang katotohanan sa likod ng iyong karanasan na may kaugnayan sa panaginip ng asawa mo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments