Kandidatong may pagmamahal sa bansa, ang dapat hanapin ng madla

MARAHIL, magandang itanong ang, mahal ko ba ang Pilipinas? Kung itatanong natin ito, malamang, hindi ganu’n kalinaw at kalakas ang ating damdamin sa paninindigang, “oo, mahal ko ang aking bansa.”
Nais nating balikan ang mga kaisipan tungkol sa Inang Bayan noong mga nakaraang dekada, lalo na noong Dekada 60’s at 70’s. Tila hindi pinagtatalunan at lalong hindi itinatanong kung mahal nila ang bansa. Likas at bahagi ng buhay ang mahalin ang Inang Bayan noong mga panahong ‘yun, lalo na noong panahon ng diktaduryang Marcos, panahon ng Batas-Militar.
Hindi ligtas noon dahil hinuhuli ang mga aktibista. Ang mga seminarista ay pinaghihinalaang kasapi ng “underground movements”. Nauso noong mga panahong ‘yun ang mga katagang: UG, MG at AG: Underground, Middle ground at Above ground. Delikado noon ngunit, iba ang panahon ngayon. Maraming nagsasabing mas delikado ang kasalukuyang panahon kaysa sa nagdaang taon ng diktadurya. Maraming hinuli, ikinulong, tinortyur, pinatay at basta na lang nawala noon. Maraming takot dahil idineklara ang Martial Law ngunit, sa kabila ng pananakot, ibang-iba pa rin noon sa ngayon.
Napakarami nang namatay sa kampanya laban sa droga, mayroon ding mga namatay na mayor at vice-mayor, mamamahayag o taga-media, pastor at pari. Napakaordinaryo nang marinig ang mga salitang, “papatayin ko kayo”, dahil dito napakarami nang natakot. Ano ang epekto ng pagkakahuli kay Maria Ressa noong nakaraang Miyerkules? Huwag kalimutan na sa loob ng dalawang linggo ay eksakto nang dalawang taong nakakulong si Senadora Leila de Lima. Ano ang mensahe ng lahat ng ito? Malinaw na huwag “magsaya at magdiwang”. Ultimo Simbahan ay tila tumahimik at nawalan ng tinig. Iilan lang ang patuloy na nagsasalita sa gitna ng katahimikan.
Napakahalagang suriin ang mga salitang “wala na talagang pag-asa ang ating bayan, pare-pareho lang silang lahat. Sinuman ang manalo, walang magbabago, pareho pa rin ang mangyayari.”
Dahil katatapos lang ng Araw ng mga Puso o Valentine’s Day, naitanong natin ang sumusunod, “mahal pa ba ng marami ang bansa?” Sa diwa ng tanong, tahimik nating inilunsad noong nakaraang Miyerkules, ika-13 ng Pebrero sa People Power Monument ang kilusang, “Pilipinas, Mahal Ko.”
Nagtayo tayo sa People Power Monument ng malaking tarpaulin para makita ito ng mga nagdaraang sasakyan. “Pilipinas, Mahal Ko” ang mga katagang itinayo natin mula alas-4 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi. Hinayaan lang nating magsilbing palaisipan ang mga katagang “Pilipinas, Mahal Ko.”
Habang umiikot ang maraming kandidato sa buong bansa na nanghihikayat ng mga botante, iboto sila, kailangang makita kung sino sa mga kandidato ang may wagas na pagmamahal para sa ating bansa. Kailangang makita kung sino sa kanila ang nagpapanggap lang ngunit, sa totoo lang, sarili at hindi si Inang Bayan at ang mamamayang Pilipino ang kanilang mahal.
Hindi lang noong Araw ng mga Puso kundi sa mga darating na mga araw, buwan at taon makakaya na kaya ulit nating sabihin at ipakitang mahal natin ang Pilipinas?





Comments