top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Kaya dapat ay kumakain tayo nito kahit once a week... BENEPISYO NG PRUTAS AT GULAY, ALAMIN!

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 15, 2019
2 min read

NOONG mga bata pa tayo, sinasanay tayo ni nanay na kumain ng prutas at gulay dahil sa paniniwalang kayang ibigay ng mga ito ang sustansiyang kailangan ng ating katawan. Tama naman sila, pero, knows ba ninyo na ang regular na pagkain ng mga ito ay hindi lamang nakatutulong sa pisikal na kalusugan kundi ma­ging sa ating mental well-being din? Wow!

Isang pag-aaral ang nagpatunay na ang pagkain ng mga gulay at prutas ay epektibo umanong pampa-boost ng mood ng indibidwal. Ang nasabing pag-aaral ay isinagawa ng mga researcher mula sa University of Leeds.

Ayon kay Neel Ocean, lumabas sa pag-aaral na hindi lang ang pisikal na kalusugan ang nakatatanggap ng bene­pisyo ng pagkonsumo ng mga gulay at prutas kundi maging ang psychological well-being din natin.

Sinuri ng mga researcher ang mga data mula sa UK Household Longitudinal Survey kung saan 50,000 katao ang kalahok. Ang nasabing survey ay nakapokus sa pag­konsumo ng gulay at prutas ng mga kalahok, gayun­din, ang kanilang mental well-being.

Upang makuha ng mga researcher ang data tungkol sa kanilang mental health, sumagot din ng survey ang mga ito mula sa The General Health Questionnaire kung saan ang survey ay nakapokus sa antas ng kaligayahan, self-worthiness at anxiety ng mga kalahok.

Samantala, tinawag na “portion” ang isang piraso o isang cup ng prutas habang kasinlaki ng kamao ang hi­law o half-cooked na gulay.

Ang pagdaragdag umano ng sampung portion ng gulay at prutas ay mayroong magandang epekto sa emotional well-being, partikular sa indibidwal na naka­raranas ng depresyon.

Lumabas sa pagsusuri na ang mental health ng indibidwal ay nai-improve depende sa portion ng dami ng gulay at prutas na kinakain nila kada araw.

Maliban pa rito, ang pagkain ng extra portion ng berries at salad ay nakabu-boost din umano ng mental well-being.

Ayon sa mga researcher, mula sa pagkain ng maraming portion ng sariwang gulay at prutas pababa sa pagkain ng limang portion na lamang ay maaari umanong maging sanhi ng emotional distress sa indibidwal.

Ayon sa mga eksperto, ang beans, oranges at spinach ay mayaman sa Vitamins C at E na nakapagpapababa ng inflam­mation at internal stress na may kaugnayan sa depresyon.

Gayunman, ang complex carbohydrates na mayroon ang prutas at gulay ay nakabu-boost din umano ng hor­mone na serotonin sa utak.

Sa mga hindi mahilig kumain ng prutas at gulay diyan, siguradong matututo na kayong kumain ng mga ito da­hil sa health benefits na makukuha ninyo mula rito.

Make sure lang na pipiliin at huhugasan ninyo itong mabuti, ha? Gets mo?

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page