Kaliwa’t kanang tulong, ihahatid ng PCUP sa madla!

MARAMI ang nagtatanong kung ano ang “PCUP Caravan” na siyang isa sa mga priority program ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP).
Para sa ating kaalaman, ang PCUP Caravan ay programa ng komisyon kung saan layunin nitong dalhin sa komunidad ng maralitang Pilipino ang pinagsama-samang serbisyo ng gobyerno.
Tanong: Anu-anong tulong ang maaari naming matanggap kapag nagsagawa ng caravan ang PCUP sa lugar namin?
Sagot
Ang PCUP ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang humingi ng suporta sa proyektong ito. Kabilang sa mga ahensiyang tumugon ay ang PCSO, Philhealth at DOH para sa libreng medical services at pamamahagi ng gamot; PAO para sa libreng legal assistance; PSA, para sa late registration; OWWA at DOLE para sa job opportunities — lokal man o abroad; DAR, SSS, DENR at DSWD para sa orientation tungkol sa kanilang pro-poor services; TESDA para sa libreng skills training.
Tanong: Gaano kadalas magsagawa ng caravan ang PCUP?
Sagot
Sa ngayon, dahil nagsisimula pa lamang ang PCUP sa pagsasagawa ng caravan, isang urban poor community muna sa isang buwan ang target ng PCUP, ngunit, sa mga susunod na buwan, kapag nakabisado at naplantsa na natin ang mga dapat ayusin, tinatantiya nating magkakaroon ng tatlong (3) caravan sa isang buwan; isa sa Luzon, isa sa Visayas at isa sa Mindanao.
Layunin ng PCUP na maramdaman ng tao na narito lamang ang pamahalaan upang sila ay tulungan. Kaya naman, patuloy lamang ang PCUP sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang mas maparami pa ang maihahatid nating serbisyo at tulong sa ating mga kababayan.
Muli, hindi lamang isyu ng demolisyon at ebiksiyon ang tutugunan natin dahil ang PCUP ay isang komisyon para sa maralitang tagalungsod, kaya kung anuman ang mga pangangailangan nito, agad natin itong tutugunan, isyu man ng kalusugan, edukasyon o ano pa man.





Comments