GILAS, MAY TUNEUP MUNA VS. BOLTS BAGO PA-FIBA

MAKAKAHARAP ngayong araw ng Gilas Pilipinas ang Meralco Bolts sa kanilang nag-iisang tune-up game bago tumulak sa Doha, Qatar para sa FIBA Basketball World Cup Asian qualifiers.
Aalis na bukas ang Gilas Pilipinas patungong Doha para sa kanilang laban kontra Qatar sa Pebrero 22 sa pagsisimula ng kampanya sa pang-anim at huling window sa FIBA World Cup qualifying.
Walang tune-up game dapat ang Gilas Pilipinas matapos ang kanilang planong kalabanin ang San Miguel Alab Pilipinas ay hindi natuloy. Ngunit sa kahuli-hulihang saglit ay nakakuha ng makaka-tune-up ang Gilas. Ayon kay national coach Yeng Guiao ay wala nang plano ang koponan na magsagawa pa ng tune-up game pagdating sa Doha para sa kanilang laro kontra Qatar.
Makakaharap din ng Pilipinas ang Kazakhstan sa Pebrero 24 kung saan lalabanan ng Gilas ang malamig na klima at ang malayong biyahe patungong Astana kung saan gaganapin ang laro. “Mabigat kasi walang direct flight. Kailangan pa naming magpunta ng Turkey. I think five hours ‘yun tapos layover ng walong oras sa Turkey. Tapos five hours uli papuntang Kazakhstan,” wika ni Guiao.





Comments