Miyembro ng pinakamakapangyarihang drug cartel sa buong mundo | MEXICAN, HABAMBUHAY KULONG — MAKATI
- Gina Pleñago
- Feb 14, 2019
- 1 min read

HABAMBUHAY na pagkakakulong ang iginawad ng Makati Regional Trial Court sa dayuhang miyembro ng Mexican Sinaloa Drug Cartel nang mapatunayang nagkasala sa kasong drug trafficking, kahapon ng umaga.
Base sa 7 pahinang desisyon ni Makati RTC Judge Selma Palacio-Alaras ng Branch 63, iniutos din niya kay Horacio Hernandez Herrera, 43, Mexican national na magbayad ng mula P500,000 danyos hanggang P10 milyon nang mapatunayang nagkasala sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Sa rekord, naaresto si Herrera ng pinagsanib na puwersa ng PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Enero 11, 2015 sa parking lot ng Berjaya Hotel sa Makati Avenue matapos iabot sa nagpanggap ng poseur-buyer ang 2,000 gramo ng cocaine, kapalit ng P12 milyong boodle money.
Sa limang buwang pagdinig na isinagawa ng Department of Justice (DOJ), nakakita ng sapat na ebidensiya ang tagausig upang isampa sa korte ang usapin sa sala ni Judge Alaras.
Depensa naman ni Herrera, iligal ang pagkakakulong sa kanya ng mga awtoridad lalo na at dinukot lamang siya para hingan umano ng malaking halaga ng salapi.
Gayunman, mas pinaboran ng korte ang matitibay na ebidensiyang ipinrisinta ng tagausig makaraang mabigo si Herrera na magsumite ng mga ebidensiyang magpapatunay na totoo ang kanyang akusasyon laban sa mga tauhan ng AIDSOTF at PDEA.
Ayon sa rekord, ang Sinaloa Drug Cartel ay isang organisadong sindikato na nakabase sa Mexican state ng Sinaloa at ikinokonsidera ng United States Intelligence Community na pinakamakapangyarihang organisasyon ng droga sa buong mundo.





Comments