Happy Valentine’s Day, ingat sa mga bolerong kandidato!
- BULGAR

- Feb 14, 2019
- 1 min read

MALIGAYANG Araw ng mga Puso!
Sana, maligaya ang puso ng mga tatay at nanay, mga anak ‘wag nang pasaway.
Masaya rin sana ang puso ng lahat ng single at may dyowa, ‘wag nating gawing kumplikado ang February 14, lilipas din ‘yan.
Kung may pa-flowers, pa-chocolates o pa-cash, eh, di wow! Kung wala, okay lang!
Ang mahalaga, araw-araw tayong nagmamahalan.
Magmahal man ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, hindi tayo napapagod magsakripisyo, maibigay lang ang pangangailangan ng ating pamilya at mga mahal sa buhay.
Kung hindi kayang magbigay ng materyal na bagay, ang pagbibigay ng oras ay sapat na.
Lalo ngayon na parang ang bilis matapos ng araw. Minsan, nakalilimutan na nating maglaan ng panahon sa ating pamilya at mga kaibigan.
Nag-aagawan na ang maraming bagay sa oras na mayroon tayo. ‘Ika nga, kulang na ‘yung 24-oras. Masyado na tayong subsob sa trabaho, adik sa gadgets, babad sa social media at marami pang iba.
Nakalilimutan na nating makipagkuwentuhan nang mata sa mata at puso sa puso.
Samantala, gusto rin nating maging masaya ang mga kandidato at botante!
Ang kampanya ay parang panliligaw at ang pagboto ay parang pagsagot sa manliligaw.
Nasa panahon tayo na umuulan ng regalo at walang katapusan ang pangako, nasa atin ang pasya kung tayo ba ay magpapabola.





Comments