top of page

Gaya-gaya sa Hollywood movie… MGA VETERAN ACTION STARS, PAGSASAMA-SAMAHIN SA PINOY EXPENDABLES!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 14, 2019
  • 2 min read

SINAMAHAN namin si Monsour del Rosario last weekend sa kanyang pag-iikot sa District 2 ng Makati partikular na sa Ospital ng Makati kung saa’y nakita niya ang kalunus-lunos na eksena ng mga pasyenteng matagal nang naghihintay sa emergency room bago maisalang sa gamutan.

Sa aming panayam sa aktor-taekwondo champion, bagama’t priority pa rin nito ang maisulong ang sports sa bansa, still, nami-miss niya paminsan-minsan ang showbiz.

Kinumpirma ni Monsour sa amin na may alok si Ronnie Ricketts para magbida silang tatlo kasama si Robin Padilla sa isang action movie.

“Si Robin, si Rocketts [palayaw ni Ronnie], saka ako, sabi ko, parang mahirap yata. Kasi, ang schedule...” sambit ni Monsour.

Sabi naman daw sa kanya ni Ronnie, “Tatlo tayong bida, hindi naman solo. So, hindi mo kailangang mag-shooting araw-araw.”

“Sabi ko, ‘Sige, ihati natin ‘yung pelikula. One third, one third, one third or something.

“Sabi ko, ‘Bakit hindi tayo gumawa ng pa­rang Expendables, na parang Stallone, ‘yung matatandang action stars, magsama-sama uli, ‘di ba?’”

Ang The Expendables ay action film series na pinangunahan ni Sylvester Stallone at ipinalabas no­ong 2010, 2012 at 2014.

Sinu-sino pa ang mga gusto niyang makasama sa mga veteran action stars?

Napangiti si Monsour at sinabing, “Kung sino pa ‘yung maganda ang katawan at may hitsura! ‘Yung iba kasi, lumobo na, eh!

“Si Jeric [Raval], okay, si Kuya Lito [Lapid], si Bong [Revilla], si Jinggoy [Estrada], si Edu [Manzano]. Gumawa tayo ng parang Expendables,” excited pa niyang sabi.

“Sina Sylvester Stallone, Dolph Lundgren... eh, 70 years old na ang mga ‘yun, eh, kami, nasa 50s lang kami, ‘di ba?

“So, gawa tayo ng ganu’n. ‘Yun, medyo okay. Ma­­saya kasi ‘yung ganu’n, magsama-sama ‘yung old school action stars,” sabi ng actor-politician na tatakbo sa pagka-vice-mayor sa Makati City sa darating na mid-term elections.

Dagdag ni Monsour, “Para ipakita natin sa mga kabataan, ito ang mga totoong action stars. Ganitong mga akting, ganitong mga galaw, ganitong mga kilos.

“Kasi, nawala na ‘yung mga... wala na si Baldo [Marro]. Wala na si Kuya Daboy [Rudy Fernandez]. Wala na si Tito Ronnie [Fernando Poe, Jr.], ‘di ba?

“‘Yung mga haligi ng aksiyon, nawawala na.

“Kaya sabi ko nga kay Binoe, ‘Pare, ikaw na lang ang natitira sa amin.’

“Kasi ako, congressman na. Sina Bong at Jinggoy, nag-senador na.

“Si Lito Lapid, nag-senador na, although nag-Pro­binsyano siya for a while.

“Sabi ko, ‘Sana, makagawa tayo ng parang Eagle Squad dati.’ ‘Yan, gusto ko ‘yun. Puwede naman, eh!”

Ang iba pang veteran action stars na puwedeng makasali sa local version ng Expendables ay sina Phillip Salvador, Efren Reyes, Jr., Daniel Fernando at Dan Fernandez.

Sumubok ding mag-aksiyon sina Richard Gomez at Gabby Concepcion pero mas kilala sila sa drama projects.

Time management daw ang sikreto para magampanan niya ang pagiging actor at pulitiko at the same time. Noong congressman si Monsour, nakatapos siya ng dalawang pelikula — ang Blood Hunters na kinunan sa Morong, Bataan, at Trigonal na kinunan naman sa Bacolod. Parehong ipinalabas ang dalawang pelikula noong nakaraang taon.

Okay lang kay Monsour sakaling alukin siya ng drama o romantic movie, kahit makatambal pa ang ex niyang si Dawn Zulueta.

“Okay lang siguro, trabaho naman ‘yan, eh,” paha­yag niya. “May mga asawa naman sila.”

 
 
 

Комментарии


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page