top of page
LET’S SEE - AGOT, BIANCA, DINGDONG ATBP. ATENISTA, TAMEME SA KAHIHIYAN NG ATENEO SA PAGKAM

Dapat gawin para hindi lumala ang hadhad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 14, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Madalas kumakati ang singit ko, lalo na kapag mainit ang panahon at hindi ko mapigilang kamutin ito kaya nagkakaroon ito ng sugat. Allergy kaya ito sa pagkain? May nabasa rin ako sa website na puwedeng ito raw ay alipunga at posible rin daw allergy sa pagkain. Totoo kaya ito? Gusto kong malaman kung nakahahawa ito at ano ang gamot para rito? — Jeya

Sagot

Ang iyong nararanasan ay posibleng dahil sa hadhad o jock itch (tinea cruris) isang impeksiyon sa balat na dala ng fungi. Ito ay kadalasang nakaaapekto sa balat sa ari, singit at puwit. Ang hadhad ay maaaring magdulot ng pangangati at pamumula sa mainit na mga bahagi ng katawan. Ito ay maaaring tumubo ng mistulang bilog sa balat ng singit.

Ang hadhad ay tumutubo sa taong malakas pagpawisan tulad ng mga atleta, gayundin sa taong mayroong mabigat na timbang.

Bagaman, ang hadhad ay nakaii­rita, ang sakit na ito ay hindi seryoso. Panatilihin lamang tuyo at malinis ang singit at maglagay ng antifungal cream kung ito ay nangangati. Ang pagpapahid ng cream sa singit ay mabisang gamot sa hadhad.

Ang hadhad ay kadalasang nagsisi­mula sa pamumula ng apektadong bahagi ng balat na kumakalat sa singit na hugis-half moon. Ang gilid ng pamumula ay napalilibutan ng mga pantal na kahawig ng bungang-araw. Ang hadhad ay makati na parang sinusunog at makaliskis.

Narito ang mga dapat gawin upang hindi ito lumala:

  • Gumamit ng over the counter na gamot sa fungi tulad ng ointment, lotion o spray.

  • Huwag magpahiram ng mga personal na gamit tulad ng tuwalya at damit.

  • Regular na paghuhugas ng mga kamay.

  • Panatilihing malinis ang balat, lalo na ang mga hita.

  • Maglagay ng pulbos o baby powder sa palibot ng hita — nakatutulong ito para mabawasan ang sobrang moisture.

  • Iwasan ang pagsusuot ng masikip na pantalon at short pants.

Gayunman, makabubuti kung mag­pa­pa­konsulta agad sa dermatologist, lalo na kung madalas na ang panga­ngati nito nang gayun ay maresetahan kayo ng antibiotics para rito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page