ACES ‘DI PINAPORMA ANG ELITE


NILAGOK ng Alaska Aces ang 103-101 panalo kontra Blackwater Elite kagabi sa 2019 PBA Philippine Cup sa Mall of Asia sa Pasay City.
Kumana sina Jeron Teng at Carl Bryan Cruz ng tig-18 points upang ikahon ng Aces ang pangalawang sunod na panalo at ilista ang 2-1 karta. Dumaan sa butas ng karayom ang Aces bago nakuha ang panalo, nakalamang sila ng isang puntos, 49-48 sa unang dalawang periods.
Hanggang second half ay dikdikan ang labanan, subalit pagdating sa dulo ay nakuha ng Alaska ang panalo. Nagtala si Allein Maliksi ng 25 puntos at limang boards para sa Elite na nalasap ang pang-apat na sunod na talo. Tangan ng Blackwater ang 1-6 card.
Samantala, magkakaroon ng dalawang linggong break ang PBA upang magbigay daan sa kampanya ng Team Pilipinas sa FIBA World Cup qualifiers.
Magsisimula ang bakasyon sa PBA ngayong araw ng mga Puso at magbabalik ang aksyon sa Pebrero 27 kung saan maghaharap ang Meralco Bolts at Columbian sa alas-4:30 ng hapon sa Araneta Coliseum.
Magkakaldagan naman sa pangalawang laro ang Phoenix FuelMasters at NorthPort Batang Pier sa alas-7 ng gabi. Samantala, sa ikalawang laro, nalusutan ng Rain or Shine E-Painters ang Magnolia Hotshots, 75-74. Bumida sa game si James Yap sa bisa ng 18 puntos. (ATD)
Mga laro sa Miyerkules: (Feb 27) (Araneta Coliseum)
4:30 p.m. - Meralco vs Columbian, 7:00 p.m. - Phoenix vs NorthPort





Comments