5 gun-runners dedbol sa engkuwentro

TODAS sa operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) ang limang hinihinalang miyembro ng gun running syndicate sa Bgy. Fairview, Quezon City.
Tinukoy ni QCPD Director Chief Supt. Joselito Esquivel, Jr. ang isa sa mga napatay na si Michael Desuyo, tinatayang nasa 40-anyos habang wala pang pagkakakilanlan ang apat na kasamahan nito.
Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang District Special Operations Unit ng QCPD tungkol sa mga aktibidad ng naturang grupo. Agad ikinasa ang buy-bust operation alas-5:10 ng hapon sa De Vega Compound, Dahlia St., kanto ng Iris St., sa nabanggit na barangay.
Gayunman, sa gitna ng transaksiyon ay nakaramdam umano ang mga suspek na mga awtoridad ang kanilang pinagbebentahan ng mga armas.
Mabilis umanong bumunot ng baril ang mga suspek at ipinutok sa operatiba ng QCPD na nasugatan sa kanyang kaliwang balikat. Kasunod na nito ang pagresbak ng mga nakabantay na iba pang mga operatiba hanggang sa mapatay ang lima.
Nasamsam sa lugar ang 15 Armscor caliber 38 revolvers, isang Remington 1911 pistol caliber .45 na may mga bala, isang Springfield pistol caliber 45, gayundin ang buy-bust money na nagkakahalagang P95,000 boodle at P1,000 tunay na pera.





Comments