TABLE TENNIS, BILLIARDS, AT QCBL, TAMPOK SA TOPS
- MC / Clyde Mariano
- Feb 13, 2019
- 1 min read

TATLONG larangan ng sports ang sentro ng talakayan sa 10th ‘Usapang Sports’ ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) sa Huwebes, Pebrero 14 sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
Ilalahad ng Table Tennis Association for National Development (TATAND), sa pangunguna ni honorary president Charlie Lim ang ilalargang 9th Flexible Cup International Table Tennis Championship sa Pebrero 15-17 sa Activity Center ng Harrizon Plaza sa Manila.
Makakasama ni Lim sa talakayan ng 10:00 a.m. si veteran internationalist John Russel Misal na inaasahang magbibigay ng naging karanasan sa pagsabak sa World Championship of Pingpong kamakailan sa London kung saan umabot siya sa Round-of-16.
Panauhin din sa lingguhang talakayan si billiards champion at ngayon ay Mandaluyong City Barangay Malamig Chairman Marlon Manalo.
Bukod sa pagpapalakas ng sports program sa nasasakupang barangay, aminado si Manalo sa pagnanais na makabalik sa National Team upang makalaro sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre.
Bisita rin sa programa ng pinakabagong media sports organization sa bansa si dating collegiate star BJ Manalo, coach ng Trinity College sa Quezon City Basketball League (QCBL).
Ang TOPS ay binubuo ng mga lehitimong editors, reporters, columnists at photographers ng mga pangunahing tabloid na pahayagan sa bansa, kaakibat ang PTV-4 at ilang broadsheet newspapers.
Inaaanyayahan ang lahat ng miyembro at opisyal, maging ang publiko na dumalo sa programa.





Comments