Kahit walang silbi at nagnakaw | Tunay na demokrasya sa pamamagitan ng halalan, nadadaig pa rin ng m
- BULGAR

- Feb 13, 2019
- 2 min read
HALALAN na naman ngayong Mayo 13!
Nag-umpisa na kahapon ang yugto ng pangangampanya para sa pagka-senador at partylist.
Para naman sa pangdistrito at iba pang lokal na opisyales, ang umpisa ng pangangampanya ay ngayong Marso 30.
Sa sistema ng demokrasya ay napakahalaga ng halalan. Matatanggal sa pamamagitan nito ang mga opisyal na mahinang manungkulan, lalo na ang mga nangungurakot.
Sa pamamagitan ng halalan, nailalagay ng taumbayan sa puwesto na ang tingin nila ay magagaling na representante na hindi magnanakaw sa kaban ng bayan.
‘Yan ang teoriya ng demokrasya. Sa totoo lang, sa tingin natin, malayo pa talaga nating makamit ang tunay na demokrasya sa pamamagitan ng halalan.
Tingnan na lang natin ang mga nangunguna raw sa “survey” para sa pagka-senador. Malaki ang partido ng mga kasalukuyang senador na kahit walang silbi ang ilan sa mga ito.
Basta pumasok sa isipan ng botante ang pangalan ng senador, isusulat agad ang pangalan nito sa balota kahit walang silbi at nagnakaw pa.
Kaya lamang kung senador ka na dahil madalas ka ng nasa diyaryo o radyo.
Kaya maraming ‘artista o champion sa boksing’ ang nagiging senador dahil tanyag na ang pangalan nila.
Lamang din ang mga kandidatong senador na ang lolo, tatay o tiyuhin ay naging senador na noon dahil kilala na rin ang pangalan nila.
Mayroon ding nagiging senador dahil anak o asawa ng mga bilyunaryo na nagbubuhos ng pera sa kampanya (puwede rin para pambili ng boto)!
Gayundin, mayroon mga may ayaw sa pangangampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kandidato niya, pero sa tingin natin ay makabubuti ito.
Bilib ang masa kay P-Duterte kaya iboboto nila ang inirekomenda niya. Mabuti na rin ang mga bagong mukha na pinagkakatiwalaan ng pangulo.
Ang walang kakuwentang-kuwentang sistema ng pagboto sa partylist ng mga congressman.
Hindi ang mga botante sa distrito ang bumoboto sa mga ito kundi lahat ng botante sa buong bansa at ang pinakamaraming makuhang boto ay ang hihiranging partylist representative.
‘Yun ay dahil matagal nang nag-oorganisa ang mga komunista at kapag halalan nangangampanya (o nananakot) ang NPA nila, eh, may representante ang mga ito na ang gusto ay pabagsakin ang gobyerno.
Tandaan natin ang mga prente ng komunistang ito at baka magkamali tayo ng mga iboboto sa Mayo: Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Alliance of Concerned Teachers (ACT), Kabataan, Katribu at Migrante.
Ang napakapangit pang nangyari sa sistemang partylist na ipinag-utos ng Konstitusyon nating naipasa noong panahon ni ex-P-Cory ay naging behikulo lang ito para sa mga tinatawag na “political dynasty”.
Ang nangyayari, eh, kung hindi na puwedeng tumakbo si Mr. Congressman dahil tatlong termino na siya, ang gagawin ay magtatayo ng partylist na ang magiging representante nito ay anak o asawa nito.
Mayroon ding kaso ng mga bilyunaryong gustong magkaroon ng pampolitikang poder kaya magtatayo ito ng partylist na siya mismo ang representante.
Marami tayong naririnig na paratang na magbabayad lang ng P20 milyones sa mga ulupong sa Comelec, tiyak mananalo na raw ang “partylist” mo!
Napakasama, lalo na kung matatandaan nating ang tukoy nitong “partylist” daw ay magkaroon ng representante sa Kongreso ang mga walang kapangyarihan!





Comments