Bago palitan ang pangalang Pilipinas | Mga problema ng bansa, solusyunan!

HALOS hindi na mabilang sa daliri ang mga problemang kinahaharap ng bansa tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, matinding trapik, patuloy na paglaganap ng iligal na droga at marami pang iba.
Kaya naman, sa pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa plano ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na palitan ang pangalan ng bansa na Pilipinas sa Maharlika ay may ilang hindi sang-ayon kung saan anila, dapat ang pagtuunan ng pangulo at ‘yung mas malalaking problema ng bansa.
Matatandaang, ang Pilipinas ay ipinangalan kay Spanish monarch Philip II dahil ang bansa ay nasa Spanish colony ng mahabang panahon bago sumailalim sa Estados Unidos noong 1898.
Gayunman, ang Maharlika na gustong ipalit ay isang Malay word na nangangahulugan ng kapayapaan na kung tutuusin ay hindi naman natin maramdaman sa sarili nating bayan.
Sa totoo lang, walang masama sa pagpapalit ng pangalan, lalo na kung ito ay kinakailangan, pero dahil kinilala na tayo bilang Pilipinas at tayo ay matagal ng tinatawag na mga Pilipino, mahirap kung bigla na lang itong magbabago.
Sa ngayon, totoong mas maraming malalaking isyu ang dapat pagtuunan ng pansin at gugulan ng oras ng gobyerno, kaya sana, ipagpaliban muna ito dahil tiyak na mahaba-habang proseso ang kakailanganin dito.
Samantala, Pilipinas o Maharlika man ang maging pangalan ng bansa, paniguradong hindi mababago ang kultura at nakasanayan nating mga Pilipino.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments