Problemang pang-masa, sagot natin yan!

NAGBABALIK ang inyong lingkod na si Alvin S. Feliciano upang muling bigyang-tugon ang mga bumabagabag sa inyong isipan. Nailipat man tayo ng ahensiya mula TESDA papuntang PCUP, natutuwa tayo dahil mas lumawak ang ating matutulungan.
Bago ang lahat, nagpapasalamat tayo sa Pamilya Sison dahil sila ang dahilan kaya muli tayong makapagbibigay ng direktang serbisyo para sa mga tao sa pamamagitan ng column na ito.
Tayo ay magbabagong-anyo, kung noon ay tungkol sa libreng pag-aaral sa TESDA ang ating tinalakay, ngayon, mas palalawakin natin ito dahil tungkol naman ito sa problemang pangmasa ang ating pag-uusapan.
Magsisilbing tulay ang inyong lingkod upang lahat ng maralitang Pilipino ay mas mapalapit sa gobyerno. Halimbawa, kung tayo ay nangangamba dahil may nakabimbing demolisyon o eviction sa inyong lugar, huwag tayong mag-atubiling magtanong dahil ito ay agaran nating aaksiyunan.
Para na rin sa inyong kaalaman, ang PCUP o Presidential Commission for the Urban Poor na ating pinamumunuan ang siyang nagsisilbing ‘direct link’ ng maralitang tagalungsod sa gobyerno kaya kung may mga nais tayong malaman tungkol sa iba’t ibang serbisyo at proyekto ng pamahalaan, huwag nang magdalawang-isip na magtanong.
Mangyaring mag-email lamang sa pcup.media2019@gmail.com para sa inyong mga katanungan at sinisiguro nating sa susunod na paglabas ng ating column, mababasa ninyo sa pahayagang ito ang kasagutan sa inyong mga katanungan.
Inaasahan natin ang inyong mga katanungan dahil hangad natin ang magbigay-serbisyo para sa lahat. Muli, nagbabalik ang inyong lingkod upang magbigay ng direktang aksiyon para sa masa.





Comments