Ika-17 Kongreso tinapos na para sa May 2019 Election

POESIBLE
HELLO mga bes! Pormal nang nagtapos ang ika-17 Kongreso noong Biyernes, ika-8 ng Pebrero. Ito ay upang bigyan-daan ang eleksiyon na magsisimula ngayong ika-12 ng Pebrero para sa mga tatakbong senador at mga miyembro ng partylist. Ibig sabihin, wala munang sesyon ang dalawang kapulungan ng Kongreso hanggang sa maihalal ang mga bagong kongresista at labindalawang senador.
Gusto nating samantalahin ang pagkakataong ito para pasalamatan kayong lahat sa inyong suporta at pagiging mapagbantay sa mga ginagawa ng Kamara at Senado. Isa itong paraan upang lalong pagbutihin ng mga senador at kongresista ang kanilang trabaho, ang makagawa ng mga panukalang-batas na magpapabuti sa takbo ng gobyerno, magbibigay-proteksiyon at oportunidad sa lahat.
Tayo ay nakapaghain ng 315 panukalang-batas at resolusyon na karamihan ay nagtataguyod sa kapakanan ng kabataan, nakatatanda at iba’t ibang sektor ng ating lipunan. Bukod pa r’yan, ang mga pagdinig na isinagawa ng ating mga komiteng pinamumunuan, ang Commitee on Public Information and Mass Media at ang Committee on Public Services upang makakuha ng impormasyon na magagamit sa paglikha ng mga batas na lalong magpapalakas sa industriya ng komunikasyon at magpapabuti sa serbisyo-publiko.
Kukunin na rin natin ang pagkakataon para mag-report sa mga nagawa ng katatapos na ika-17 Kongreso. Naging batas ang mga panukalang isinulong natin tulad ng ‘school feeding program’ na nagbibigay ng libreng pagkain sa mga bata sa pampublikong paaralan at ang ‘First 1,000 Days’ na nagmamandato ng suporta sa nutrisyon para sa mga nanay at kanilang mga anak. Siyempre, ‘pag masaya sina nanay at bulilit, masaya ang pamilya, masaya ang pamayanan at masaya ang bayan.
Isang panukala na ating inihain o tayo ang pangunahing may-akda o nag-sponsor at naging ganap ng batas ay ang tungkol sa pagpapalawig ng bisa ng lisensiya ng mga drayber mula tatlo hanggang lima o sampung taon, kung walang mga paglabag sa batas. Sa pamamagitan ng batas na ito, hindi na kailangang magpa-renew, taun-taon ng kanilang lisensiya ang mga drayber. Malaking ginhawa at tipid ito sa mga may lisensiya, lalo na ang ginagamit sa paghahanapbuhay.
Nand’yan din ang pagpapalawig sa bisa ng mga pasaporte mula lima hanggang sampung taon. Tulong natin ito sa mga kababayan nating madalas mangibang-bansa, lalo na ang masisipag na OFWs.
Bukod d’yan, ilan ding panukalang-batas na tayo ay co-author ang naging ganap na batas sa ilalim ng ika-17 Kongreso. Patunay ito na naging produktibo para sa mga senador ang katatapos na Kongreso kung saan ang bayan ang higit na makikinabang.
Isinulong din natin ang panukala na gawing libre ang pagkuha ng mga dokumento sa gobyerno na kailangan sa pag-aaplay ng trabaho para sa mga bagong graduate. Sa pamamagitan nito, sisipagin ang mga fresh graduate sa kanilang paghahanap ng trabaho. Mayroon ding libreng internet sa mga pampublikong terminal na makatutulong sa mga pasahero na naghihintay ng sasakyan. Sa ganitong paraan, magagawa pa rin nila ang kanilang mga trabaho kahit wala pa sila sa kanilang mga opisina.
Ito mga bes ay patunay na kapag aktibong nakikilahok ang taumbayan, makalilikha tayo ng mga batas na magpapagaan sa ating buhay. Patunay din ito kapag magsama-sama at nagkakaisa, walang hindi magagawa dahil lahat ay Poesible!





Comments