DAVAO-PRIDE MANGOSONG ARANGKADA SA MMF SUPERCROSS


HINDI binigo ni Davao-pride Bornok Mangosong ang kanyang mga tagahanga matapos pagharian ang inaabangang pro open class sa unang yugto ng MX Messiah Fairgrounds (MMF) Supercross 7 sa MMF, Club Manila East, Taytay Rizal.
Sa kabila ng aberyang dulot ng pagkasira ng Yamaha bike Yz450f 2016 ni Mangosong lang oras bago ang pro open class, hindi nawalan ng kumpiyansa at nagpokus ang manlalaro. Kailangang humiram si Mangosong sa race boss na si Sam Tamayo ng Yamaha Yz250fx 2018 upang sagupain ang mga karibal.
Gamit ang walang takot na estilo, inungusan ni Mangosong ang batang mandirigmang si Ompong Gabriel upang kunin ang unang puwesto. “Talagang pokus lang at wag kang kabahan. Nung nakita ko ng hindi na talaga gumagana yung bike, nag-iisip na ko ng mahihiraman kasi gusto ko pa rin kumarera.
Kung akin, akin, kung di naman, ganon talaga. Pero mahalaga ay pokus ka pa rin,” sabi ni Mangosong, 27. Gagawin ang ikalawang yugto ng serye sa Marso 3.
llan pa sa mga nagpasiklab ay sina Joseph Penaso sa Open Local Two Stroke Enduro, John Kenneth Saligao ng Amateur Production, Roman Llorente ng Executive Production at Michael Tschop ng Amateur Open Production. Muli rin nasaksihan ang pagkarera ng moto legend na si Jolet Jao sa pro open kontra sa mga batang pro riders.
Huli man sa roster, hinakot ni Jao ang veterans class sa unang leg. Iniuwi din nila Abdul Heiz Sandani ang tropeyo ng Beginners Open Production at ng Power Enduro habang di rin nagpahuli sa bakbakan si Lad Bucag na wagi rin sa Open Underbone at Local enduro 4-stroke. (MC)





Comments