4 yrs. old nalitson sa kandila
- V. Reyes
- Feb 12, 2019
- 1 min read

HALOS hindi na makilala matapos matusta nang buhay ang apat na taong gulang na lalaki nang masunog ang kanilang inuupahang bahay sa Bgy. North Fairview sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Elixer Taladro Jumalon, na natutulog nang sumiklab ang sunog.
Alas-9:00 ng gabi nang magsimulang kumalat ang apoy na umabot ng ikalawang alarma at nakontrol pasado alas-11:00 ng gabi.
Walong bahay sa Phase 8 ng nasabing barangay ang napinsala sa sunog kung saan tinatayang sampung pamilya rin ang naapektuhan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, naiwanang kandila ang dahilan ng apoy.
Ilang araw na umanong walang kuryente sa tinutuluyan ng biktima na pag-aari ng isang Marivic Rebagay matapos maputulan kaya kandila lamang ang nagsilbing ilaw ng Pamilya Jumalon.
Nabatid na iniiwan lamang ang bata sa pangangalaga ng isa niyang nakatatandang kapatid dahil nasa trabaho ang kanyang nanay na umano’y hiwalay sa kanyang tatay.
Nagkataon naman na lumabas umano ang nakatatandang kapatid ng biktima upang bumili ng pagkain subalit, pagbalik umano nito ay nilalamon na ng apoy ang kanilang bahay at hindi na naisalba si Elixer.





Comments