NAGHAHANDA ANG GO-FOR-GOLD PHL SKATEBOARDING PARA SA SEAG
- BULGAR

- Feb 11, 2019
- 2 min read

PARA mas maging maganda ang performance sa Southeast Asian Games, ang Philippine skateboarding team sa ilalim ng Go For Gold program ay magdaraos ng ilang serye ng regional tryouts upang tumuklas pa ng mga petmalu na skaters sa bansa.
Inanunsiyo ni skateboarding and roller sports chief Monty Mendigoria kahapon na ang paghahanap para sa most talented Filipino skaters ay idaraos sa Luzon leg sa Marso 16-17 sa Iba, Zambales.
Ang pinakamahuhusay mula sa Visayas region ay lalarga sa Cebu City sa Abril 6-7 kung saan inaasahang naroon si Asian Games gold medalist Margielyn Didal upang magbigay inspirasyon sa mga aspirants.
“We feel that Margie and the skateboarding team will become our bright lights in the 2020 Olympics, and hopefully they can bring home our first Olympic gold medal,’’ ayon kay Go For Gold godfather Jeremy Go.
Ang National SEA Games qualifier ay nakaiskedyul sa Agosto. 24-25 sa Sta. Rosa, Laguna matapos na magpakitang-gilas ang skaters mula sa Silangan sa Mindanao sa Mayo 25-26 sa General Santos City.
Bukod sa pag-target ng majority sa 16 gold medals na nakataya sa skateboarding sa SEA Games kung saan mag-host ang bansa sa Nob. 30-Dis. 11 sa Clark, nagtetraining na rin ang national skaters para sa 2020 Olympics sa Japan. “We will look for the best skaters in the regionals,’’ ayon kay Mendigoria, pangulo ng Skateboarding and Roller Sports Association of the Philippines Inc.
“The top three participants from the regionals will get the chance to prove their worth in the national SEA Games qualifying championship,’’ dagdag ni Mendigoria. Inorganisa rin ang skateboarding judges seminar at accreditation examination na ilalarga ng skateboarding icon na si Warren Stuart sa Peb. 24 sa Rufo’s Telus Building sa Araneta Center, Cubao, Quezon City. Sumikat agad ang skateboarding sa bansa nang magwagi ng gold medal ang 19-anyos na si Didal sa Asian Games sa Indonesia.
Naghahanda siya ngayon para sa Olympic qualifying tournaments para sa Tokyo. (MC)





Comments