Malinaw ayon sa birthday... LALAKING NAKATAKDANG SUWERTEHIN SA IBANG BANSA

Dear Maestro,
Matagal na akong nag-a-apply ng trabaho, pero hanggang ngayon ay bokya pa rin ako.
Sa totoo lang, nakapagtrabaho na ako, kaya lang ang problema, wala pang tatlong buwan ay nag-resign ako, bukod kasi sa walang benefits ay sobrang liit pa ng suweldo ko.
Bakit kaya hindi ako nare-regular sa trabaho? Nalulungkot ako ngayon dahil ‘yung mga kaibigan ko ay may mga regular ng trabaho, pero ako ay wala pa rin.
Sana ngayong 2019 ay gumanda na ang kapalaran ko lalo na kung tutulungan at gagabayan ninyo ako.
September 5, 1989 ang birthday ko.
Umaasa,
John Paulo ng Guadalupe Nuevo, Makati City
Dear John Paulo,
Ayon sa birth date mong 5 sa destiny number na nagkataong 5 rin (9+5+ 1989=2003/20+03 =20+03=23) sa zodiac sign na Virgo, ikaw ay nagtataglay ng pure “five personality”, nangyari ito dahil ang ruling planet ng Virgo ay Mercury na nagtataglay din ng numerong five (5).
Ibig sabihin, tatlong numerong singko ang nagsama-sama sa iyong tadhana nu’ng ikaw ay isilang at ang numerong singko ay pinangingibabawan ng Mercury at dahil may pakpak sa kanyang mga paa ang Mercury at siya rin ang “Roman God of financial gain and communication” at siya rin ang mensahero ng iba pang mga Diyos, ibig sabihin, mas mabilis kang susuwertehin, hindi rito sa ating bansa kundi sa pakikipagsapalaran sa ibayong-dagat o sa pag-a-abroad.
Kaya isipin mo, kaya pala wala sa local companies ang iyong suwerte ay maaaring sa ibayong-dagat nga ito.
Ito ang dahilan kung bakit kahit magkaroon ka pa ng trabaho rito sa ‘Pinas ay hindi ka nagtatagal at napapakali dahil tulad ng nasabi na, nasa abroad ang maganda at bonggang-bongga mong kapalaran.
Ibig sabihin, hindi mo dapat sayangin ang iyong panahon at enerhiya sa pag-a-apply ng trabaho dito sa ating bansa, sa halip, mas makabubuti sa iyong career na sa ibang bansa ka na kaagad mag-apply at maghanap ng pagkakakitaan.
Sa ganyang paraan, ayon sa iyong Travel Calendar, hindi pa huli ang lahat, kapag nag-apply ka sa abroad ngayong 2019, sa edad mong 29, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang magaganap sa iyong karanasan na siya ring magiging simula upang tuluy-tuloy ng umangat ang iyong career hanggang sa tuluyan nang umunlad nang umunlad ang inyong kabuhayan at sa bandang huli, tulad ng nakatakda sa mga taong singko, ang pagyaman sa pamamagitan din ng negosyo ay magaganap sa taong 2039, sa edad mong 50 pataas.




Comments