Tips sa mga kandidatong gustong manalo, alamin!

ILAN kayang kandidato ang nakapagbuo na ng tinatawag na “core group” o “think tank”?
Ang “core group” ang tunay na “utak” ng kampanya!
◘◘◘
ANG mismong kandidato ay hindi dapat kasama sa loob ng “core group” dahil mawawalan ng silbi ang pagiging “core group”.
Ang problema, minsan dinidiktahan ng kandidato ang “core group” dahil sa paniniwalang “siya ang tama dahil siya ang kandidato”.
Kapag ganyan, hindi core group ‘yan, bagkus ay “bungkos” ng mga alalay, amuyong at “sipsip” sa kandidato lamang.
‘Yan ang nagpapatalo sa kandidato imbes na makatulong!
◘◘◘
ANG core group ay dapat binubuo ng mga “eksperto” sa kani-kanyang larangan na binibigyan ng wagas na tiwala ng kandidato upang “mag-isip” ng taktika at maniobra para sa kanyang kampanya.
Kapag “tiwala” ang ibinigay, dapat talagang pagkatiwalaan ito imbes na “diktahan”.
Kapag ang kandidato ay walang tiwala sa kanyang “core group” at magulo ang kampanya, dapat nang buwagin ang “core group” dahil magiging bugkos lang ito ng mga sipsip at tsuwariwariwap.
Paiikutin, bobolahin at uutuin lang ng mga ito ang kandidato sa mga walang kalatuy-latoy na diskarte sa kampanya!
◘◘◘
ANG kandidato ay dapat umaktong kandidato at hindi dapat umakto bilang “strategist” o taga-taktika.
Dapat ipaubaya sa core group ang taktika at bibigyan lamang siya ng mga “choice, option o plans a, b at c kung saan siya ay pipili ng gusto niya o angkop sa kanyang panlasa!
◘◘◘
KAPAG nangialam ang kandidato o diniktahan ng kandidato ang core group, ipinatatalo niya ang kanyang sarili at matutuliro siya sa mga nagaganap.
Dapat nating tandaan na “emosyunal” at under pressure ang kandidato kaya dapat ipaubaya ang taktika at desisyon sa core group kaysa siya ang “mangahas na magdesisyon”!
◘◘◘
MALINAW ngayon na mahalagang piliin kung sinu-sino ang dapat pumasok sa core group at hindi sapat na “loyalty” lamang ang batayan.
Taktika at maniobra ang nagpapanalo sa kandidato, hindi ang loyalty na karaniwang simpleng nagpapasaya sa kandidato dahil sa “oo nga po syndrome", pero walang naiaambag na epektibong estratehiya sa kampanya.
Kung mahirap “bumoto”, lalong mahirap kumandidato!





Comments