Pagbabago sa school curriculum at seminar, solusyon sa nagbabadyang pagbabago sa BPO industries

NANGANGAMBA ang ilang empleyado ng Business Process Outsourcing (BPO) companies, partikular ang mga manggagawa na napabibilang sa low skill jobs dahil tinatayang tataas ang bilang ng mid skill at high skill jobs sa industriya sa 2022 kung saan maaari silang mawalan ng trabaho dahil maaaring hindi sapat ang kanilang kakayahan para makasabay sa agos ng pagbabago.
Gayunman, base sa datos ng Information Technology and Business Process Association of the Philippines (IBPAP), lolobo pa sa 2020 ang mga BPO employee, ‘yun nga lang, mula sa 47% na mga manggagawa sa low skill job ay bababa ito sa 27% sa nasabing taon, ibig sabihin, maraming manggagawang Pinoy ang posibleng mapag-iwanan at mawalan ng trabaho.
Kaya naman, bilang solusyon, ayon sa IBPAP, dapat umanong iangkop sa inaasahang pagbabago ang school curriculum habang ang mga kasalukuyang nasa industriya na ay dapat magkaroon ng mga seminar upang mas ma-enhance pa ang kanilang skills.
Sa totoo lang, nalulungkot ang ilang empleyado dahil kung kailan nag-uumpisa nang makilala ang kanilang kumpanya ay saka pa nagkaroon ng aberya.
Sa ngayon, alam nating maraming Pinoy ang pinipiling magtrabaho sa BPO companies dahil sa totoo lang, mas malaki ang kanilang kinikita rito, gayundin na mas maraming oportunidad na trabaho ang maibibigay nito kumpara sa iba.
Sa katunayan, marami sa kabataan, lalo na ‘yung mga fresh graduate, ang pinipili na magtrabaho sa industriyang ito kahit hindi ito konektado sa kurso na kanilang natapos sa kolehiyo.
Kaya kung hindi makagagawa ng solusyon o magbibigay ng koordinasyon ang gobyerno hinggil dito, tiyak na sa 2022, maraming Pinoy ang aaray dahil walang trabaho.
Nganga!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments