Karapatang ibinigay ng estado para sa mga “small farmer”

Sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 7607 o mas kilala sa tawag na “Magna Carta for Small Farmers”, ang mga maliliit na magsasaka ay binibigyan ng karapatan ng estado upang pag-ibayuhin ang kanilang mga kapakanan. Ang mga magsasakang nabibilang sa kategoryang “small farmers” ay ang mga magsasaka na ang pangunahing pinagkakakitaan ay ang pagsasaka sa kanilang maliit na lupain at ang mga pinagbentahan, pinagpalitan ng kanilang mga produktong lupa ay hindi hihigit sa P180,000 kada taon base sa presyo noong 1992.
Ang income level na ito ay pag-aaralan ng Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Finance (DOF) at National Economic and Development Authority (NEDA) base sa epekto ng inflation rate at sa presyo sa pamilihan. Ang kaukulang halaga ng income level ay maaaring palitan ayon na rin sa pag-aaral ng DAR.
Upang mabigyan ng kalakasan ang mga small farmer, sila ay binigyan ng mga karapatan tulad ng mga sumusunod:
1. Gawin ang kanilang mga aktibidad at gawin sa isang kapaligirang may garantiya ng support price program para sa kanilang mga produktong lupa tulad ng bigas at mais;
2. Makilahok sa kalakalan ng kanilang produkto na malaya sa anumang monopolya o cartel at anumang sitwasyon na maaaring magdikta ng presyo ng kanilang produkto at maaaring magresulta sa kanilang kapinsalaan;
3. Maging kabahagi ng social security para magsilbing kanilang proteksiyon laban sa mga kalamidad, kamatayan, sakit at pagkabalda;
4. Makapangutang sa mababang halaga ng interest at may maliit na kolateral para sa kanilang pangangailangan sa pagsasaka at sa kanilang kabahayan;
5. Makakuha at magbahagi ng mga binhi (farm input);
6. Mapakinggan at magkaroon ng kinatawan sa gobyerno;
7. Mabigyan ng regular na kaalaman sa mga mahahalagang impormasyon sa mga presyo sa merkado, polisiya ng gobyerno na may kinalaman sa agrikultura at ng mga pangangailangan sa kalakalan at ng ibang mga pagsasanay sa pagsasaka;
8. Mabigyan ng benepisyo mula sa natural na yaman ng bansa sa ilalim ng batas;
9. Magpursiging magkaroon ng kaukulang edukasyon at kasanayan tungo sa ikabubuti ng kanilang kabuhayan at
10. Makakuha ng technical assistance mula sa kaukulang ahensiya ng pamahalaan para magkaroon ng kaalaman at pag-aaral sa pagkuha ng utang (loan) at iba pang economic assistance mula sa pamahalaan.
Kabilang din sa karapatan ng mga maliliit na magsasaka ay ang karapatang magtatag ng kanilang organisasyon para mapangalagaan ang kanilang interes. Bukod dito, hinihimok din silang gumawa at sumali sa kooperatiba para magkaroon sila ng mga binhing kakailanganin nila sa mas mababang halaga at makakuha ng tapat na presyo para sa kanilang mga ani.
Upang pasiguruhan ng pamahalaan ang kapakanan ng mga maliliit na magsasaka, ang DAR ay magtatatag ng price support system para sa mga produktong pagsasaka tulad ng bigas at mais. Kinakailangan lamang na ang itinatag na price support system ay hindi maging sanhi sa pagtaas ng presyo ng nasabing mga produkto na hihigit sa kapasidad na magbayad ng average consumer.





Comments