Tulak nanlaban sa pulis, utas

PATAY ang isang miyembro ng Commando Gang na pinaghihinalaang tulak ng droga matapos manlaban sa mga pulis na aaresto sa kanya sa isinagawang buy-bust operation kahapon ng madaling-araw sa Parola Compound, Tondo, Manila.
Kinilala ang namatay na suspek na si Jericho Matija alyas Boy, ng Tondo, Manila.
Batay sa imbestigasyon ni SPO2 Lester Evangelista, alas-2:30 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa naturang lugar.
Naikasa na ni PO1 Jomar Caliguiran, ang buy-bust operation nang mapansin ng suspek na pulis ang katransaksiyon nito kaya agad binunot ang kanyang caliber. 357 revolver at binaril si Caliguiran na tinamaan sa ibabang bahagi ng tiyan pero, dahil nakasuot ng bullet vest ay hindi tumagos ang bala.
Nagawa pang makatakbo ng suspek sa madilim na eskinita kaya hinabol ito ng mga back-up na operatiba at nang makorner sa Aduana Compound, sa halip na sumuko ay binaril pa ang mga humahabol na pulis dahilan para gantihan siya ng putok.
Nang mapawi ang putukan, nakitang may tama ang suspek kaya isinugod ito sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) pero, binawian din ng buhay.





Comments