Sila ‘yung mga isinilang noong 1959, 1971, 1983, 1995 at 2007... KATOTOHANAN TUNGKOL SA KAPALARAN NG
- BULGAR

- Feb 9, 2019
- 3 min read

SA pag-ibig, pamilya, romansa at pakikipagrelasyon, may asawa ka man o single, asahan mo nang magiging maayos ang iyong kapalaran sa larangan ng pag-ibig, ngayong 2019.
Bagama’t, may mga hindi pagkakaunawaang magaganap sa mga Baboy na may karelasyon, ang hindi pagkakasundo ay madali namang masosolusyunan sa pamamagitan ng lambingan at harutan upang matapos ang tampuhan ay babalik muli sa dating init at sigla ang inyong samahan.
Gayundin, magiging malamig ang ugnayan ninyo sa kalahating buwan ng taon, pero kung makatutuklas ka ng bagong sangkap sa relasyon o bagong estilo sa pakikipagromansahan, walang dahilan upang hindi muling mag-init ang lumamig ninyong pagmamahalan.
May mga tensiyon ding magaganap sa mga mag-aasawa, ngunit, madali nila itong mareresolba sa pamamagitan ng pang-unawa sa isa’t isa, respeto at pagpaparaya. Kung ikaw ay isinilang ngayong Taon ng mga Baboy, maganda at suwerteng magpakasal ngayong 2019, lalo na kung ang mga napabibilang sa Taon ng Kuneho, Tigre, Kabayo at Kambing o Tupa ang mapapangasawa mo.
Kung ikaw ay single, mas madali ka namang makapag-aasawa kung palagi kang maglalalabas ng bahay dahil ang prince charming o ang reyna ng buhay mo na matagal mo nang hinihintay ay sa social gatherings mo makikilala.
Ang mga Baboy ay likas na magiging masuwerte at mapalad mula sa ika-5 ng Pebrero hanggang sa ika-5 ng Marso, mula sa ika-6 ng Marso hanggang sa ika-4 ng Abril, mula sa ika-3 ng Hulyo hanggang sa ika-31 ng Hulyo at mula sa ika-28 ng Oktubre hanggang sa ika-11 ng Nobyembre.
Kung ikaw ay Baboy na isinilang noong 2007, sinasabing ito ang panahon upang lawakan mo pang lalo ang iyong pang-unawa. Ito rin ang panahon upang mag-cultivate o bungkalin mo nang husto kung ano ang talento mo na iyong magagamit sa mga susunod na yugto ng iyong buhay. Mas makabubuti rin sa iyo na makinig sa payo ng mga matatanda, gayundin, bantayan mo nang mabuti ang iyong kalusugan, umiwas ka sa mga junk food. Gayunman, ngayon 2019 ay magiging mabunga, maligaya at masigla ka higit lalo kung tulad ng nasabi na, babantayan o aalagaan mong mabuti ang iyong kalusugan upang mas ma-enjoy mo ang buhay ng pagiging kabataan.
Kung ikaw ay Baboy na isinilang noong 1995, sinasabing maraming magagandang oportunidad ang mararanasan mo ngayong taon. Kaya kasabay nito ay aani ka ng iba’t ibang pagkilala at karangalan sa anumang larangang iyong ginagawa sa kasalukuyan. Kusa ring tataas ang iyong kinikita at darami ang iyong pera, kaya lang, mag-iingat ka sa mga magnanakaw para hindi ka mawalan.
Kung ikaw ay Baboy na isinilang noong 1983, maraming magagandang oportunidad ang darating sa buhay mo, pero kung babagal-bagal ka at nag-aalinlangan sa iyong kakayahan, maaaring lumagpas sa iyo ang magagandang kapalaran.
Sa pangkalahatan ngayong 2019, bagama’t, marami kang gastusing kahaharapin, nakatutuwa dahil maraming pagkakakitaan ang papasok nang tuluy-tuloy sa iyong kabang-yaman. Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon kung noon ay naiinip na kayong magsupling o kaya naman ay nagnanais na kayong magdagdag ng miyembro ng inyong pamilya, ngayong 2019, posibleng magkaroon kayo ng bagong baby na magdaragdag ng tunay na kaligayahan sa inyong mag-asawa.
Kung ikaw ay isang Baboy na isinilang noong 1971, ngayong 2019, posibleng maranasan mo ‘yung tinatawag na “ups and downs”. Ibig sabihin, tataas at bababa ang kinikita mo, pero sa bandang-huli ay papataas din ito nang papataas, lalo na sa buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre.
Dagdag pa rito, ang relaxation, pamamasyal at paglilibang ay dapat mo ring isaalang-alang upang manatili ang malusog at masaya mong pamumuhay.
Kung ikaw ay matandang binata, dalaga o kaya ay hiwalay na sa asawa, ang pagpapakasal ngayong taon ay hindi mo dapat apurahin, sa halip, mas magiging paborable ang itatayo ninyong pamilya kung sa susunod na taong 2020 pa kayo magsasama o magpapakasal upang makamit ninyo ang mas maunlad at maligayang relasyon, habambuhay.
Kung ikaw ay Baboy na isinilang noong 1959, bagama’t, aakalain mong walang gaanong pagbabagong itinala sa iyong buhay, kapag hinarap mo ito, makikita mo na mula Enero hanggang Disyembre, magugulat ka dahil magkakaroon ka ng mas magandang kapalaran na maaaring mag-ahon sa iyo sa kahirapan.
(Itutuloy)




Comments