Parusa sa catcalling, kasado na


HINDI kailanman basehan ang kasuotan ng tao para siya ay bastusin, partikular ang babae.
Ayon sa Philippine National Police, hindi dapat isinisisi sa kasuotan ng mga babae ang catcalling o pagsipol at iba pang klase ng akto na may halong kalaswaan o kahalayan.
Suportado rin ito sa Bicameral Conference Committee kung saan aprubado na ang reconciled version ng panukalang Safe Spaces Act na layong bigyan ng parusa ang pagsipol.
Ang isinusuot na damit ay maituturing na ‘expression’, maikli, mahaba, maluwag, hapit o anuman ang tabas. Dapat itong irespeto ng sinuman.
Kahit kailan, hindi ang biktima ang dapat mag-adjust para sa mga walanghiya.
Maling-mali ‘yung isinisisi sa biktima kung bakit siya binastos!
Kung ganito ang paniniwala natin sa lahat ng masamang nangyayari, mabulok na lang tayo sa loob ng bahay para hindi mabiktima, ganu’n ba?
“Huwag kang lalabas mag-isa para hindi ka ma-rape”, ‘di ba, dapat sila ang hindi mang-abuso?
Naroon na tayo sa dapat mag-ingat pero, hindi para hayaan lang sila sa masamang gawa.
At bilang babala, ang mga mapatutunayang umabuso ay mananagot sa batas at makatutulong ito sa pagbaba ng bilang ng gender-based crimes.
Sa mga bastos d’yan sa gilid ng kalsada, sa bar o sa kung saan pa man, pag-aralan n’yo nang itikom ‘yang bastos ninyong bibig dahil may kalalagyan na kayo.
Bago n’yo bastusin ang babae, isipin n’yo muna, paano kung nanay, kapatid o anak ninyo ang nasa kanyang kalagayan?





Comments