P3.757 trillion 2019 budget, pirma na lang ni Digong

NARATIPIKAHAN na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang P3.757 trilyong 2019 General Appropriations Bill alinsunod sa napagkasunduan ng bicameral conference committee.
Bagama’t mayroon pa ring pagtutol, nauwi rin sa adoption ang bicameral conference committee report na nagpapatibay sa panukalang badyet at naghihintay na lamang ngayon ng lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim ng napagkasunduang bersiyon ng national budget, ibinabasura na ang cash-based budgeting system taliwas sa naunang itinutulak ni Budget Secretary Benjamin Diokno.
Nasasaad din bilang special provision ang pagpapaalala sa Department of Budget and Management sa paglalabas ng P2.3 bilyong naiipit na internal revenue allotment (IRA) para sa local government units (LGUs).
Ipinursige ng Kamara ang realignment ng P20.5 bilyon habang ang Senado ang nagtakda ng adjustment sa P25.4 bilyon na mga proyekto sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tutukuyin ng mga mambabatas. Kinumpirma ni Appropriations Committee Chairman Rep. Rolando Andaya, Jr. na makatatanggap ang bawat kongresista ng P160 milyong itemized projects.
Nagkaroon din ng realignment sa mga pondo ng Senado na P.77B; Office of the Vice-President na P215 million; Office of the Ombudsman na P1.8 billion; Department of Health na P17.57 billion; Department of Agriculture na P485 million; Department of Education na P2.5 billion; State Universities and Colleges na P2.81 billion.





Comments