UMPISA NA ANG PEDALAN NG RONDA PILIPINAS SA ILOILO


MAGSISIMULA na ang LBC Ronda Pilipinas 2019 ngayong araw sa Iloilo City kung saan ang local teams sa pamumuno ng Navy-Standard Insurance, Go for Gold at 7 Eleven Cliqq-Air21 ng Roadbike Philippines ay pakay na maging malakas pa sa pagharurot sa mga mapanghamong ruta ng probinsiya.
Pakay ng Navymen ang ika-6 na diretsong team title habang ang Go for Gold at 7 Eleven riders na pawang Continental teams ay aasa sa kanilang international experience upang makapanalasa sa pedalan ng five-stage. Ang UCI-sanctioned race ay nilahukan ng 15 na teams na may tig-6 na riders. Ang Navy ay binubuo nina reigning Ronda champion Ronald Oranza, two-time winner at skipper Jan Paul Morales at 2018 Le Tour titlist El Joshua Cariño at binubuo nina Ronald LOmotos, Junry Navara at Rudy Roque na kayang makabawi sa pedalan.
Pangungunahan ang Go for Gold ni skipper Ronnel Hualda kasama sina Ronilan Quita, Jonel Carcueva, Elmer Navarro, Boots Ryan Cayubit at newly-acquired Daniel Van Carino, na dating nasa Navy at 7-Eleven. Wala sa 7 Eleven squad ang kanilang long-time leader na si Mark Galedo pero nananatiling lehitimong contender sina Marcelo Felipe, 2012 Ronda king Irish Valenzuela, Rustom Lim, George Oconer, Dominic Perez, Arjay Peralta.
Ang iba pang PHL team na kalahok ay ang Team Franzia ni two-time Ronda winner Santy Barnachea, Army-Bicycology, Team Tarlac at ang Jaybop Pagnanawon-led Bike Xtreme squad. Aabangan natin kung kakayanin ba nila ang tikas at lakas ng mga world-class competitors nilang tulad ng Terengganu, Matrix, Nex Cycling Team, Korail Team Korea, Custom Cycling Indonesia, Cambodia Cycling, PGN Road Cycling at Sri Lanka Navy Cycling Team sa event na inagapayan din ng MVP Sports Foundation at iba pang sponsors katuwang ang Dept. of Tourism at DENR.
Magsisimula ang karera sa tatahaking makasabog-bagang 197.6-kilometer Iloilo-Iloilo Stage One sa Peb. 8 at babanat sa 101.8km Guimaras-Guimaras Stage Two sa Day 2. Ang peloton ay babalik sa Iloilo sa pagtahak sa kalyeng may 179.4km Iloilo-Roxas City Stage 3 sa Peb. 10 kasunod ng 146.9km Roxas-Roxas Stage 4 sa Peb. 11. Magtatapos ang karera sa 148.9km Roxas-Antique Stage 4 sa Peb. 12. Ang awarding ceremony ay idaraos sa paraisong isla ng Boracay sa pareho ring araw. (VA/MC)





Comments