top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Bukod sa Metro Manila | TIGDAS OUTBREAK SA ILOCOS, CAGAYAN VALLEY, CENTRAL LUZON, CALABARZON, MIMARO

  • Madel Moratillo / Mylene Alfonso
  • Feb 8, 2019
  • 2 min read

MALIBAN sa Metro Manila, nagdeklara na rin ng measles outbreak ang Department of Health (DOH) sa iba pang rehiyon sa bansa.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nagdeklara na rin sila ng tigdas outbreak sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA at Bicol.

Kasunod ito ng pagtaas ng mga kaso ng tigdas sa nasabing mga rehiyon hanggang noong Enero 26, 2019.

Ayon kay Duque, mas pinalakas pa nila ang kanilang monitoring sa mga bagong kaso ng tigdas.

Pinayuhan ng DOH ang mga magulang na maging alerto sakaling makitaan ng mga sintomas ng tigdas ang mga bata tulad ng mataas na lagnat, ubo, pamumula ng mga mata, rashes at iba pa at agad dalhin sa doktor upang malunasan.

Ito ay upang maiwasan ang kumplikasyon na pneumonia na siyang nagiging sanhi ng kamatayan ng tinatamaan ng tigdas.

Isinisisi ni Duque sa pagbaba ng bilang ng nagpapabakuna ang pagdami ng mga batang tinatamaan ng sakit.

Samantala, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DOH na palakasin ang kampanya ng gobyerno sa pagbabakuna makaraang umabot sa 55 bata ang namatay dahil sa tigdas.

Ginawa ni Pangulong Duterte ang kautusan sa isinagawang 34th Cabinet meeting kamakalawa ng gabi sa Malacañang.

“The Department of Health’s immunization program was likewise tackled by Secretary Duque of the Department of Health because the president ordered a vigorous campaign to promote the complete immunization for children,” ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

“I think, one of the reasons why we have an outbreak of measles is because the lack of immunization on the part of children,” dagdag pa nito.

Mismong si Duque na rin umano ang nagpahayag na mabigat ang loob ng mga tao na magpabakuna dahil sa eskandalo sa Dengvaxia na anti-dengue vaccine.

Una nang hinikayat ng pangulo ang mga magulang na huwag matakot na pabakunahan ang kanilang mga anak dahil sa pagbaba ng bilang ng mga nagpapabakuna.

Kaugnay nito, naglunsad ang DOH ng ‘house-to-house vaccination program’ laban sa tigdas para sa mga batang hindi pinabakunahan ng kanilang mga magulang.

Sa ilalim ng programa, susuyurin ng mga health worker ang mga bahay-bahay upang maabot ang 2.78 milyong target na mabakunahan ngayong 2019.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page