Natakot magpabakuna dahil sa Dengvaxia, 55 patay | TIGDAS OUTBREAK SA METRO MANILA
- Madel Moratillo
- Feb 7, 2019
- 1 min read

MAY measles outbreak sa Metro Manila.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) matapos makapagtala ng pagtaas ng bilang ng naturang sakit sa rehiyon.
Paliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III, ang pagkakaroon ng isa hanggang tatlong kaso ng tigdas sa isang lugar ay itinuturing na nilang outbreak.
Mula sa Enero 1 hanggang Pebrero 1 ngayong taon lamang aniya ay umabot na sa 55 ang bilang ng mga batang nasawi dahil sa tigdas sa Metro Manila pa lang.
Gayunman, paglilinaw ni Duque, hindi ito nangangahulugan na ang mga nasawi sa tigdas ay taga-Metro Manila lang.
Maaari aniyang mga taga-probinsiya ang iba sa kanila ngunit, nang malamang may tigdas ang mga ito ay isinugod sa San Lazaro Hospital sa Maynila upang doon ipagamot.
Lumilitaw din na karamihan sa mga nasawi ay dahil sa pneumonia na kumplikasyon ng tigdas.
Apela naman ni Duque sa mga magulang, huwag nang hintaying magkasakit pa ang kanilang mga anak at sa halip ay pabakunahan na laban sa tigdas.
Samantala, ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo, nakaaalarma na ang pagdami ng mga batang nagkakasakit ng tigdas sa bansa, matapos umakyat sa 21,000 kaso ng tigdas noong 2018 mula sa dating 4,000 kaso lamang noong 2017.
Babala pa niya, posibleng tumaas pa ang measles cases sa peak season nito sa pagitan ng Marso at Abril, kaya dapat aniyang ngayong buwang ito ay pabakunahan na ang mga bata at pawiin ang takot sa bakuna dahil sa kontrobersiyal na Dengvaxia..





Comments