top of page

Mga pagsusuri para malaman kung may sakit sa bato

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 7, 2019
  • 2 min read

Dear Doc Shane,

Sa tuwing ako ay magpapa-laboratory test, palaging mataas ang aking creatinine na nasa 163 minsan 184. Walang ibang ibinibigay na gamot ang doktor ko maliban sa fluimucil, pero hindi pa rin bumababa. Okay naman ang pakiramdam ko at hindi naman sumasakit ang balakang o tagiliran ko. Maaari bang malaman kung creatinine lang ang pinagbabasehan para malaman kung may sakit sa bato? — Eric

Sagot

Kung may mga sintomas ng sakit sa bato, isa sa mahalagang pagsusuri na ipagagawa ng doktor ay ang blood chemistry o pagtingin ng sample ng dugo para makita ang iba’t ibang kemikal na nandu’n — kung normal ang mga antas nila. Partikular na mahalaga ang sukat ng creatinine. Ang normal na sukat ng creatinine ay 0.6 hanggang 1.2 milligrams (mg) per deciliter (dL) sa kalalakihan at 0.5 hanggang 1.1 mg/dL sa kababaihan. Kung mataas ang creatinine, nanganga­hulugan na maaaring may dipe­rensya ang bato, ba­gamat, hindi puwedeng ito lamang ang gawing basehan para masabing may problema ang bato. Ang blood urea nitrogen (BUN) ay isa ring sukat na mahalagang tingnan. Base sa creatinine, maaaring ma-compute ang glomerular filtration rate (GFR) na siyang sukat ng kakayahan ng mga bato na salain ang mga dumi ng katawan.

Bukod sa blood test, ang urinalysis o pagsusuri ng ihi ay mahalaga rin upang makita kung may protina o dugo sa ihi. Minsan, sinusukat din ang dami ng ihi sa loob ng 24 oras upang makita kung gumagana nang maayos ang mga bato.

Sa ilang mga kaso ng sakit sa bato, mahalagang makita kung ano ang hitsura ng mga bato at para rito, isang mabisang paraan ay ang paggamit ng ultrasound. Kung malala na ang sakit sa bato, maaaring mag-iba ang hugis ng bato at magmukhang kulubot. Bukod sa ultrasound, puwede ring ipagawa ang CT scan para masilip ang mga bato.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page