Front ang panghuhuli ng mga adik | TANOD NA TULAK, TIMBOG SA DROGA

ARESTADO sa anti-illegal drugs operation sa Quezon City ang dating tanod sa lungsod na nanghuhuli ng mga adik sa lugar na kanyang binabantayan.
Huli sa buy-bust operation si Noel Crisologo, 62, dating miyembro ng Bgy. Security and Development Officer (BSDO) ng Bgy. Holy Spirit.
Isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng Batasan Police Station ang test buy.
Batay sa nadokumentong video, nakitang iniaabot ni Crisologo ang ilang sachet ng shabu sa police asset.
“Actually, si Crisologo, nasa listahan namin ng drug watchlist. Talagang madulas lang ‘yan. Nagpalipat-lipat ng lugar, hindi agad nagbebenta sa mga hindi niya talaga kakilala. Ayun, natiyempuhan ng ating mga operatiba na nabilhan talaga siya. Kaya isinunod na ang buy-bust operation at nagpanggap na iskorer ang pulis natin,” ayon kay Police Superintendent Joel Villanueva, commander ng QCPD Station 6.
Nasamsam pa kay Crisologo ang panibagong anim na sachets ng pinaniniwalaang shabu. Una nang nagsilbi ng 10-taong pagkakapiit si Crisologo kaugnay sa kasong illegal drugs at napalaya noong 2010.
Nagtrabaho ito bilang miyembro ng BSDO para habulin ang mga adik at kriminal sa kanilang lugar.
“Dati-rati, sumasama siya sa operasyon laban sa droga. ‘Yun pala may ibang lakad pala. Naging front lang niya ang pagiging tanod at nagbebenta pala ng droga,” dagdag pa ni Villanueva.





Comments