FIDE MASTER CAUSO, CHAMP SA THAI CHESS

NAGPARAMDAM ang chess savy na si FIDE Master Deniel Causo ng Pilipinas matapos nitong maitakas ang korona ng isang torneo at maisalba ang huling upuan sa podium ng isa pang paligsahan kamakailan sa Thailand.
Isang gitgitang karera ang nasaksihan sa pagitan nina Causo at ng Thai na si Thanadon Kulpruethanon sa Northern Open Rapid Chess Championship matapos silang kapwa makakulekta ng 5.5 puntos pagkatapos ng pitong rounds ng paspasang ahedres.
Nang pairalin ang unang tuntunin sa tiebreak, patas pa rin ang dalawa (1.0-1.0). Sa pagpasok sa eksena ng pangalawang tiebreak, nakuha na ng Pinoy ang kampeonato (31.0-28.5) at nakuntento sa segunda ang Thai sa kompetisyong inorganisa ng Intarachit Chess Club.
Ginawa ring pasaporte ng Pinoy patungo sa trono ang mga panalo laban kina Phumrapee Weerapan (Round 1), Jonathan Bodemar (Round 2), Sornsawan Singromroj (Round 3) at kapwa Pinoy na si Henry Calacday (round 7) at ang mga hatian ng puntos sa harap ng hamon nina Mortensen Kongshjelm Soren ng Denmark (Rround 6), Kavin Nattavutthisit (Round 5) at Kulpruethanon (Round 4).
Samantala, sa 2019 Thammasat University Rapid Chess Tournament, pumangatlo si Causo dala ang rekord na 5 puntos pagkatapos ng anim na rounds.
Isa pang Pinoy si 12th seed Joseph Winston Silva, ang hinirang na hari dahil sa 5.5 puntos na koleksiyon nito samantalang si local bet Tinnakrit Arunnun Tapanich (5.0 puntos) ay nakapagposte ng bridesmaid finish sa labanang umakit ng 56 na disipulo ng ahedres mula sa USA, Canada, Germany, Austria, Pilipinas at Thailand.





Comments