Pagdami ng bilang ng mga kabataan na nasasangkot sa iligal na droga, nakababahala!
- BULGAR

- Feb 6, 2019
- 2 min read
MAINIT pa ang isyu hinggil sa pagpapababa ng criminal age liability kung saan hanggang ngayon, eh, marami pa rin ang nagdedebate tungkol dito dahil totoong may pros at cons ito para sa lahat.
Gayunman, nakalulungkot dahil noong Lunes, February 4 ay may 11 estudyante ang nahuli sa Makati City matapos ireklamo ng mga residente dahil sa pag-iingay kung saan nang puntahan ito ng mga awtoridad ay laking-gulat nila nang tumambad ang ilang sachets ng mga umano’y dried marijuana at drug paraphernalias, gayundin, ang mga hinihinalang shabu na ginamit ng mga menor-de-edad.
Ayon kay Senior Insp. Gideon Ines, assistant chief of police for operations ng Makati, nasa drug watchlist umano ang may-ari ng bahay kung saan nahuli ang mga estudyante.
Dagdag pa rito, ang mga estudyante ay may edad na 14 hanggang 17 at karamihan sa kanila ay nakasuot pa ng uniporme at hindi lamang mga lalaki ang sangkot dito kundi may ilan ding mga babae.
Samantala, itinanggi ng mga estudyante na sangkot sila sa umano ay drug session, pero ite-turnover sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sadyang, nakapanghihina ng loob sa tuwing may nababalitaan tayong mga kabataan na naliligaw ng landas dahil kulang sa tamang paggabay ng kanilang mga magulang.
Tila, hindi na yata matutupad ang kasabihang, “kabataan ang pag-asa ng bayan”! Tsk!
Kaya naman, ang panawagan natin para sa lahat, doblehin natin ang pagbabantay sa ating mga anak, kapatid at pamangkin dahil sa panahon ngayon, hindi na natin alam kung gaano kalakas ang impluwensiya ng masasamang-loob, lalo na ‘yung mga taong patuloy na gumagamit at nagpapakalat ng iligal na droga na salot talaga sa lipunan.
‘Ika nga, ang pagbubukas ng kamalayan ng mga kabataan ay siyang magtutulak sa kanila sa magandang kinabukasan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments