HUALDA, CARIÑO, TAPIC, CATALAN, AT YOUNG RIDERS, ABANGERS


NAKATUON ngayon ang Continental team Go-for-Gold sa pagkonsentra sa pagpapahusay sa mas batang riders sa pagsabak nila sa 5-stage ng LBC Ronda Pilipinas 2019 na idaraos sa Iloilo sa Peb. 8, na tatahak sa Guimaras at Roxas City at magtatapos sa Antique sa Peb. 12.
Bagamat buo na ang kumpiyansa ng squad, sinabi ni Go-for-Gold coach Eds Hualda na ang target ay matulungan sina Deniel Van Cariño at Ismael Grospe na mahasa pa sa potensiyal sa under-23 kategorya ng taunang karera, na humahabol ng qualifying points para sa 2020 Tokyo Olympics. “From the start, we keep telling our sponsor that we’re after the under-23 title and focus on developing them for the future of Philippine cycling,” ayon kay Hualda. Umaasa siya sa tikas ng 19-anyos na si Cariño, na nanggaling sa Navy-Standard Insurance at 7-Eleven at ngayon ang 19-anyos na si Grospe ay 2-taon na sa Go-for-Gold.
Agad sasabak sa pedalan si Carino bilang regular na miyembro ng team habang si Grospe naman ang kahalili.
Sinabi ni Hualda na gagamitin nila ang Ronda bilang paghahanda nina Cariño at Grospe sa pagsabak nila sa Asian Championship sa Abril sa Uzbekistan. Bukod kina Cariño at Grospe, ang team ay binubuo nina skipper Ronnel Hualda at petmalu rin na sina Ronnilan Quita, Jonel Carcueva, Elmer Navarro at Boots Ryan Cayubit.
Samantala, kapit-bisig at handa na para sa muling pakikidigma ang Philippine Army-Bicycology Shop, kipkip ang misyon na makamit ang overall team championship, hindi man makasingit sa bawat stage sa mapanghamong 197.6-kilometer Iloilo-Iloilo Stage 1.
Nawala man ang mga beteranong sina Sgt. Cris Joven, pumuwesto sa No.6 sa overall individual standing sa nakalipas na taon, gayundin sina Sgt. Merculio Ramos, Jr. at Sgt. Alvin Benosa , kumpiyansa si team manager at dating Olympian swimmer Eric Buhain sa kampanya ng Army-Bicycology na inilarawan niyang mga palaban.
“In last year’s edition, hindi naman ganoon kataas ang expectation namin sa team. But with sheer guts and determination, lumaban nang todo ang ating mga riders. Luckily, nakakuha ng stage win (3rd stage) si Cris Joven and all of the sudden mas naging palaban ang team,” pahayag ni Buhain, katuwang ang pakner na si John Garcia.
Hindi man nasundan ang stage three win ni Joven, hindi nagpahuli ang Army-Bicycology sa kabuuan ng 12-stage race para makuha ang No.2 sa overall Team standings tangan ang kabuuang oras na 136:56:19 sa likod ng kampeong Navy (135:13:47). Pangatlo ang Go-for-Gold Developmental team (136:59:26.)
Makakasama nang natirang beterano sa koponan na sina Pfc. Marvin Tapic, Sgt. Reynaldo Navarro at veteran internationalist Sgt. Alfie Catalan ang mga bagong riders na sina Robinson Esteves, Warren Borders, Mark Julious Borders, at alternate rider Kenneth Lacuesta
Bukod sa Go-for-Gold at Army Bicycology, hahataw din ang, 7Eleven Cliqq-Air21 ng Roadbike Phls, Team Franzia, Team Tarlac at Bike Xtreme , habang ang international team ay kinabibilangan ng Matrix Powertag Japan, Nex Cycling, Korail Team Korea, PGN Road Cycling Team, Sri Lanka Navy Cycle Team, Customs Cycling Indonesia, Terengganu Cycling Team at Cambodia Cycling Team.
Batay sa pinakabagong UCI qualification rule, mabibigyan na ang top 50 bansa ng direktang slots sa 2020 Tokyo Olympics at malaking ranking points ang kaloob ng LBC Ronda Pilipinas. Mula sa Iloilo, raratsada ang mga riders para sa 101.8km Guimaras-Guimaras Stage sa Feb. 9, bago magbalik ang ruta sa Iloilo para sa 179.4km Iloilo-Roxas City Stage Three sa Feb. 10 kasunod ang 146.9km Roxas-Roxas Stage Four sa Feb. 11.
Ang ikalima at final stage ay sa Feb. 12 sa distansiyang 148.9km Roxas-Antique.
Pinaigsi ang karera, taliwas sa nakalipas na edisyon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng National Team na maihanda ang mga sarili sa tamang pagkakataon para sa pagsabak sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre. (MC/VA)





Comments