2,000 pamilya na mapapaalis sa Manila Bay, may malilipatan

AABOT sa limang ektaryang lupa sa Tondo, Manila ang maaaring malipatan o relokasyon para sa mga pamilyang mapapaalis sa Manila Bay dahil sa rehabilitasyon nito.
Tiniyak ito ng Philippine Ports Authority sa isinagawang pagdinig ng Oversight Committee on Housing and Urban Development na ipinatawag ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
May 2,000 pamilya sa Isla Puting Bato ang nakatakdang paalisin.
Ang lupang kinatitirikan ng mga residente sa lugar ay pagmamay-ari ng PPA.
Ani PPA General Manager Jay Daniel Santiago, naglaan din sila ng P1 milyon para sa social preparation ng mga residente bago ang paglilipat sa mga ito.
Nauna nang ipinatawag ni Arroyo ang pagdinig para ungkatin ang kabiguan ng National Housing Authority (NHA) na maigawad sa mga residente sa Parola, Compound, Tondo ang bahagi ng lupain na ipinamamahagi na sa ilalim ng proklamasyon na inilabas may 15 taon nang nakalilipas.





Comments