Dapat gawin para maibsan ang madalas na pagsakit ng katawan

Dear Doc. Shane, Ako ay galing sa trangkaso 2 linggo na ang nakaraan. Nagtataka lang ako, bakit hanggang ngayon ay sumasakit pa rin ang katawan ko? Uminom naman ako ng muscle relaxant subalit, hindi pa rin ito nawawala, lalo na sa bandang likod. Ano ba ang sanhi nito at ano ang dapat kong gawin? — Fred
Sagot Maraming sanhi kaya tayo nagkakaroon ng muscle pain. Ilan dito ay ang labis na paggamit ng muscle sa physical activities o pagkakaroon ng muscle strain at muscle cramps.
Ang muscle strain o ang sakit sa kalamnan ang madalas na dahilan ng pagsakit ng ating likod.
Narito ang ilan sa mga dahilan nito:
Maling posisyon sa pagtulog
Hindi tamang postura ng pag-upo
Maling ayos ng pagbubuhat o puwersahang pagbubuhat ng mga mabibigat na bagay
Ano ang dapat gawin?
Ipahinga ang katawan — mas lalong makararanas ng muscle pain kapag pinipilit nating kumilos at magpatuloy sa mga bagay na ating ginagawa. Makabubuting umupo muna at i-assess ang nararamdaman upang makagawa ng mga susunod na hakbang. Malaking tulong ito upang maibsan ang mga namumuong muscle tension sa katawan.
Uminom ng pain reliever — maraming pain relievers na puwedeng inumin para sa muscle pain tulad ng paracetamol, ibuprofen at mefenamic acid. Bagama’t, makatutulong ito upang mawala ang sakit, pakiramdaman muna ang katawan kung kailangan nang uminom ng pain reliever o maaari pang ipahinga ang sakit. Hindi rin makabubuti na masanay ang katawan sa gamot, lalo na kung palagi natin itong ginagawa.
Ipamasahe ang kalamnan — iwasang hilutin o daganan ang kalamnan sapagkat maaaring mapilay lamang ito. Dahan-dahan lang itong ipamasahe upang lumuwag ang muscles. Kung namumulikat, i-stretch at tapalan ng yelo ang bahagi ng katawan na dumaranas ng sakit. Ang marahang pagmamasahe ay malaking tulong upang mawala ang tension sa ating muscles at mag-loosen up ang mga ito. Tandaan, palaging ingatan ang bawat galaw upang hindi muling bumalik ang sakit at magpatuloy na sa paggaling.
Warm at cold compress — maglagay ng warm compress sa likod o sa bahagi ng sumasakit na kalamnan. Kung walang hot bag, maaaring gumamit ng bote na may lamang maligamgam na tubig, ibalot ito sa tuwalya at ipatong o pagulungin ito sa naturang kalamnan. Bukod sa hot compress, makatutulong din sa nanakit na kalamnan ang pagligo ng maligamgam na tubig. Ang cold compress ay para naman sa mga namamagang muscle mula sa extreme physical activities. Ito ay nakatutulong upang mabawasan ang daloy ng dugo sa partikular na bahagi ng katawan na nagbabawas ng sakit.
Tandaan na bago sumabak sa matinding physical activity, mag-stretching o warm-up muna upang hindi mabigla ang muscles. Huwag din kaligtaang uminom ng maraming tubig para ma-hydrate at uminom ng inuming may electrolytes habang at pagkatapos ng activity upang may sapat na supply ng salt at minerals ang katawan. Mahalaga ring magpahinga ng ilang minuto at tumigil, lalo na kung sobrang mainit ang panahon.





Comments