Malinaw ayon sa birthday... DALAGA NA NAKATAKDANG MAKAPAG-ABROAD, MAKAPAG-ASAWA AT MAGKAANAK NGAYONG
- BULGAR

- Feb 3, 2019
- 2 min read
Dear Maestro, Sa edad kong 39, nakahihiya mang aminin, hanggang ngayon ay dalaga pa rin ako. Nagkaroon ako ng mga boyfriend noon, pero hindi ko rin nakatuluyan. Kaya, Maestro, makapag-aasawa ba ako at magkakaanak? Kung makapag-aasawa pa ako, kailan kaya? Gayundin, may pag-asa ba na makapag-a-abroad ako dahil ngayon ay balak kong mag-abroad? Nag-aayos ako ng mga papeles ko, pero hindi pa ako tinatawagan. Sa kabila ng mga nangyayari sa akin, makaaahon pa kaya ako sa mga problema, marami kasi akong mga problema? Ano ang maipapayo ninyo sa akin upang suwertehin ako lalo na sa career at habambuhay nang lumigaya sa larangan ng pag-ibig? March 13, 1980 ang birthday ko.
Umaasa, Mary Jade ng Lias, Marilao, Bulacan
Dear Mary Jade, Tunay ngang kapag medyo pangit ang lagda, lalo na sa unahang bahagi, sadyang magiging pangit at malungkot ang tatahaking kapalaran ng indibidwal. Kaya kung gusto mong lumigaya, Mary Jade, wala kang dapat gawin ngayon kundi baguhin ang unahang bahagi ng iyong lagda.
Kung papansinin mo, ‘yung letrang “m” at “j” ay pinagpatong sa unahan at tila nakabuo ka ng malaking hugis-bilog. Ang hugis-bilog ay naglalarawan nang magulo at matinding alalahanin sa iyong isipan, kaya hindi ka nagtatagumpay at lumiligaya sa kasalukuyan. Ano ang dapat mong gawin sa iyong lagda? Simple lang, mas mainam na paghiwa-hiwalayin mo ang letrang “m” at “j” sa iyong lagda kung saan isulat mo nang malinaw ang letrang “m” at “j” at idugtong mo ang iyong apelyido nang hindi nagkakapatung-patong ang mga letra. Mas mainam din kung tatapusin mo ang iyong lagda sa mala-straight line na guhit.
Sa partikular, upang makalikha ka ng straight line na guhit, habaan mo ang pinakapaa ng letrang “a” sa dulong bahagi ng iyong pirma upang humaba at magtuluy-tuloy na rin ang dating ng suwerte at magandang kapalaran sa buhay mo. Pagkatapos, gumamit ka ng masusuwerteng kulay na kailangan mong isuot tulad ng berde at kung ang petsa sa kalendaryo ay 2, 11, 29, 7, 16 at 25, lalo na kung natapat ang nasabing mga petsa sa araw ng Lunes.
Dilaw naman ang suotin mo tuwing sasapit ang mga petsang 4, 13, 22, 31, 1, 10, 19 at 28, lalo na kung natapat ang mga petsang nabanggit sa araw ng Linggo at Sabado habang pula naman ang mapalad na kulay tuwing sasapit ang mga petsang 6, 15, 24, 3, 12, 21, 30, 9, 18 at 27, partikular kung ang mga petsang ‘yan ay natapat sa mga araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.
Ang isa pang dapat mong gawin ay ang makipagkaibigan ka sa mga taong isinilang sa zodiac signs na Virgo, Sagittarius, Cancer at Scorpio higit lalo silang may mga birth date na 1, 10, 19, 28, 8, 17, 26, 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 1, 10, 19 at 28 sapagkat ang mga taong nabanggit ang magbibigay sa iyo ng suwerte at magagandang kapalaran.
Sa sandaling nasunod mo ang tatlong simpleng rekomendasyong inilahad na sa itaas, ayon sa iyong Love Calendar, sa kumbinasyon ng Decadens ng Kapalaran, tiyak ang magaganap ngayong 2019, sa buwan ng Mayo hanggang Agosto, sa edad mong 39 pataas, kusang gaganda ang iyong kapalaran, makapag-a-abroad ka, makapag-aasawa, magkakaanak hanggang sa tuluy-tuloy ka nang magkaroon ng isang maunlad at maligayang pamilya, habambuhay.




Comments