top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Kung may tulong na maibibigay ang SSS para sa mga nasalanta ng bagyo

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 3, 2019
3 min read

Dear SSS,

Magandang araw! Noong nakaraang taon, kasama ako sa mga naapektuhan ng Bagyong Usman. Inabot ng baha ang bahay namin dahil sa ulan na dulot ng bagyo, kaya gusto kong itanong kung mayroon bang tulong-pinansiyal na ibinibigay ang SSS sa aming nasalanta ng Bagyong Usman? — Marco

Sagot

Para sa inyong katanungan, naglaan ang SSS ng P451 milyon loan assistance para sa mga miyembro at pensiyunado na sinalanta ng Bagyong Usman noong Disyembre 2018. Subalit, dapat matiyak muna natin kung kabilang ang ating lugar na tinitirhan sa mga lugar na idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa ilalim ng state of calamity.

Maaaring mag-aplay sa Calamity Assistance Package (CAP) ang mga miyembro at pensiyunado na naninirahan o may ari-arian sa mga lalawigan ng Oriental Mindoro, Albay, Sorsogon, Camarines Norte at Camarines Sur. Ito ang mga lalawigan na idineklara ng NDRRMC na nasa ilalim ng state of calamity bunsod ng Bagyong Usman.

Sa ilalim ng CAP, maaaring makakuha ng calamity loan, advance three-month pension at direct house repair and improvement loan ang mga miyembro at pensiyunado na naninirahan o may ari-arian sa mga nabanggit na lalawigan.

Para sa mga miyembro, maaaring mag-aplay ng calamity loan na aabot sa P16, 000 kung sila ay nagbabayad ng kontribusyon batay sa pinakamataas na monthly salary credit (MSC). Kinakailangang mayroon silang hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon kung saan ang anim nito ay dapat naihulog sa loob ng 12 buwan bago ang petsa ng aplikasyon. Dapat hindi pa nabibigyan ng anumang final benefit mula sa SSS tulad ng total permanent disability at retirement benefits.

Ang calamity loan assistance ay hiwalay na pautang sa regular na salary loan kaya ang mga miyembro na may natitirang utang sa salary loan ay maaari pa ring mag-aplay sa calamity loan. Gayunman, hindi kuwalipikado sa calamity loan ang mga miyembro na may nalalabing utang sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) o sa mga naunang CAP.

Maaari ring mag-avail ng calamity loan ang mga Overseas Filipino Worker (OFW). Kinakailangan na ang OFW ay residente ng mga lugar na idineklarang lugar na nasa ilalim ng state of calamity. Dapat mag-isyu ang OFW ng authorization letter sa kanyang kinatawan na magpa-file ng kanyang calamity loan application.

Maliban sa calamity loan, ang mga miyembrong nasira ang bahay ay maaari ring mag-avail ng Direct House Repair and Improvement Loan Program. Ito ay may interest na walong porsiyento kada taon para sa utang na may halagang aabot sa P450,000 at siyam na porsiyento kada taon naman para sa utang na mula P450,000 hanggang P1 milyon. Ang special loan program na ito ay mayroon ding anim na buwang moratorium sa pagbabayad at wala na rin ang isang porsiyentong processing fee.

Upang makapag-aplay sa Direct House Repair and Improvement Loan, ang miyembro ay kinakailangang may edad na hindi hihigit sa 60 at nakapaghulog ng hindi bababa sa 24 buwan kontribusyon kung saan ang tatlo nito ay naihulog sa loob ng 12 buwan bago ang buwan ng aplikasyon.

Ang mga pensiyunado naman ay maaaring mag-avail ng advance three-month pension. Kinakailangan lamang na magpakita ng barangay certification bilang patunay na sila ay naninirahan sa nasalantang lugar na idineklara ng NDRRMC.

Maaaring mag-aplay para sa calamity loan at advance three-month pension mula Enero 29 hanggang Abril 29, 2019. Samantala, ang aplikasyon para sa Direct House Repair and Improvement Loan ay mula Enero 29, 2019 hanggang Enero 29, 2020.

Sa mga interesadong miyembro at pensiyunado, maaaring mag-file ng aplikasyon sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Maaaring i-download ang mga kaukulang application forms, barangay certification at authorization letter sa SSS website sa www.sss.gov.ph.

Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.

◘◘◘

Nais naming ipaalam sa ating mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Samantala, ang Loan Restructuring Program naman ay bukas hanggang ika-1 ng Abril 2019. Sa LRP, pinagaan ang pagbabayad ng mga loan balance ng ating mga miyembro. Inaanyayahan natin ang ating mga pensiyunado o miyembro na nais mag-avail ng alinman sa dalawang programang ito na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page