Hustisya sa bansa, uso pa nga ba?

HALOS dalawang taon nang nakakulong ang isang inosenteng tao. Paano nangyari ito? May prinsipyo sa “Criminal Law” na tinatawag na “Blackstone Ratio.” Ito ang sinabi ni Blackstone: “Mas mabuting makatakas ang sampung napang kriminal kaysa patuloy na magdusa sa kulungan ang isa.”
Napakaraming nakakulong at marami sa mga ito ay inosente o biktima ng maling paggamit sa batas. Napakaraming gumawa ng maliliit na paglabag sa batas tulad ng pagnakaw ng ballpen o pandesal na ipinakulong ng may-ari ng tindahan.
Dahil sa matinding kampanya laban sa droga, nagsisiksikan ang mga preso sa kulungan. Kung masusukat ang lupang kinalalagyan ng mga bangkay ng mga namatay o natokhang dahil sa droga, malamang lilitaw ang sementeryong sumasakop sa napakalaking ektarya.
Magdadalawang taon nang nakakulong si Sen. Leila de Lima. Hindi umuusad ang mga kaso nito sa kabila ng tuluy-tuloy na mga “hearing” sa Muntinlupa at Quezon City. Bagamat, naakusahan siyang sangkot sa droga, wala ni isang gramong droga na nahuling itinatago nito. Simple lang ang problema, ang inhustisyang nagaganap. Walang anuman ebidensiyang hawak ang korte maliban na lamang sa pahayag ng ilang mga napang kriminal na ginawang testigo ng kasalukuyang pamahalaan laban sa senadora.
Kung naitanong natin noong isang araw, “kung tunay ba ang kapayapaan?”, ngayon, itatanong natin kung, “tunay ba ang katarungan?” Kumusta na ang korte mula sa pinakamataas na Korte Suprema hanggang sa pinakamaliit at malayong Regional Trial Court? Ipinatutupad ba ng mga ito ang kanilang banal na sinumpaang-tungkulin na ipagtatanggol ang inosente at patas na gagamitin ang batas laban sa mga nagkasala?
Unti-unti nang lumalabo ang mga prinsipyong dating pinanghahawakan at pinangingilagan ng naturang mga lingkod-bayan. Uso pa ba ang tapat at marangal na paglilingkod? Uso pa ba ang walang palakasan, koneksiyon, kaibigan, kapartido sa paghingi ng serbisyo sa taumbayan? Uso pa ba ang marangal at malinis na lansangan kung saan walang takot sa karaniwang pangingikil ng ilang mga pulis at traffic enforcer ng MMDA? Uso pa ba ang pagmamahal sa sariling bansa sa gitna ng walang pakundangang panghihimasok ng Tsina sa kabila ng malinaw na batayan laban sa mga pambansa at pandaigdigang batas?
Dahil sa unti-unting paghina ng mga prinsipyo, madali nang balewalain ang pagmamahal sa sariling bansa. Ito ang isa pang mahalagang tanong, tunay pa ba ang pagmamahal sa sariling bansa?
Napakalinaw ng kaugnayan ng mga prinsipyo at paninindigan sa usapin ng kaayusan, kapayapaan, hustisya at kalayaan ng bansa. Kapag nanghina ang mga prinsipyo at paninindigan, madaling maging “pera-pera” na lang ang lahat.
Maaari bang bilhin ang kapayapaan, ang hustisya, ang soberanya ng ating bansa?
Kung nabibili ang anumang bagay na mahalaga, nawawala na ang tunay na kahalagahan nito. Kaya pag-isipan natin nang maigi kung tunay ba ang hustisya?





Comments