CHICANO NG GO-FOR-GOLD, KUMINANG SA NAT’L AGE GROUP TRIATHLON SERIES


MAGIGING tinik si John Leerams Chicano ng Team-Go-For Gold sa landas ni Nikko Huelgas para sa pakay na ikatlong diretsong gold medal sa Southeast Asian Games.
Muling ipinakita ni Chicano, ang 2017 SEA Games men’s triathlon silver medalist na siya ang bikig sa lalamunan ni Huelgas matapos manguna sa opener ng National Age-Group Triathon (NAGT) series.“It was a nice race and I’m really looking forward to be in peak form in time for the SEA Games,’’ ayon kay Chicano, na nagwagi rin sa prestihiyosong Tri-Factor International Triathlon sa Quzhou, China late noong 2018.
Umarangkada na nang husto si Chicano sa huling 2 kilometro ng takbuhan sa NAGT na idinaos sa San Bernardino sa Subic Bay Freeport at kunin ang ginto sa men’s elite sa bisa ng 1 oras, 58 minuto at 47 segundo. Sumegunda sa kanya sa men’s national squad si 21-year-old Fer Casares sa 2 oras at 1 segundo kasunod ni Go For Gold at Siklab Sports Youth Awardee Kim Remolino ng Cebu (2:02:12). Maganda ang panalong ito kay Chicano, na kilalang Rambo sa elite triathlon circuit upang magsilbing inspirasyon sa itinaguyod niyang triathlon clinics sa mga liblib na lugar upang makahanap ng mahuhusay na triathletes. “Rambo has become an inspiration to all our young triathletes who are motivated to follow his footsteps as we aim to produce more triathlon champions,’’ ani Go For Gold godfather Jeremy Go.
Sina Chicano at Huelgas ay nagtuturo ngayon sa bagong henerasyon ng triathletes sa ilalim ng pag-alalay ng Go-For-Gold na mago-organisa ng sprint races series sa Cebu, Davao at Subic ngayong taon.
Katuwang ang Sunrise Events sa loob ng 3 taon, ikinakasa ng Go For Gold Sunrise Sprint ang 5150 triathlon races sa Abril 28 sa Cebu, Hulyo 7 sa Davao City at Nob. 3 sa Subic Bay. Ang 5150 ay isang Olympic distance race.
Si Go, ang vice president of Powerball Marketing and Logistics Corp., ang kumpanya na sumusuporta sa Go-For-Gold program ay nag-anunsiyo kamakailan ng top performers sa open category (15 years old and above) na kanilang susuportahan. (MC)





Comments